ni Jimmy Reyes
“Kahit anong sobra, masama. Pagka kumain ka nang sobra, maiimpatso ka. Pagka-natulog ka nang sobra, mamamasin ka.” Isa lang ito sa maraming salawikain ng erpat ko na natanim sa isipan ko.
Marahil meron nang nakapansin na bihira kong banggitin ang erpat ko, si Patnubay Jones (anak). Marahil, maiisip ng iba na malayo ang agwat ko sa kanya o me namamagitan sa aming dalawa. Sa totoo lang, idolo ko sya at malayong mangyari na me masamang hiningang namagitan sa aming dalawa kailanman. Hangga’t ang isa’t isa sa amin ang buhay, walang mapapanis na laway pag kami nagkikita.
Doon ako saludo sa erpat ko. Simula nang magka-isip ako, konsistent sya sa pakikipagdayalogo sa akin. Siguro para mapanatili nya ang rapport sa aming dalawa. Hindi ko naramdaman ang aksyon nya na nagkakaintindihan na kami. Kahit hindi pa kami mag-usap mahalaga sa kanya ang opinyon ko, namin. Mahalaga sa kanya ang kahit paminsan-minsang pakikipag-ugnay sa aming mga anak nya. Hindi ko naramdamang ipinadama nya na kasi sya ang tatay, sya dapat ang bida. Lagi syang demokratiko, ika nga.
Kaya lang, hindi ko sya masyadong nababanggit sa aking talambuhay dahil baka sumobra ang papuri ko sa kanya (kulang pa siguro ’yong nauna). At ito ang masama, baka isipin nyang tumagos na sa buto ko ang mga pangaral nya sa amin at itigil na nya. Ayokong mangyari yon.
Syempre kahit paminsan-minsan, bilang taong me sariling damdamin nire-resent ko yon. Pero alam kong alam nya rin ang limitasyon. Hindi rin sya sumusobra. At ako naman, ayoko rin lang umasa na lang sa kanya, sa aking idolo, dahil baka mawalan na ako ng sariling inisyatibo. At sya naman, baka pag tumigil sya sa pakikipag-ugnayan sa amin, sa sarili nyang mass beys, ay baka maging armtseyr fader na lang sya o sa lengguhe nila—armtseyr rebolusyonary. At maisip nya na di na umiikot at nagbabago ang mga kapaligiran nya, mawala na yong tinatawag nyang kontinyos rebolusyon. At manatili na lang sya sa teorya nyang obsolit, mawala na sya sa realidad at pihadong hindi na kami magkakaintindihan. Tapos na ang dayalog at rapport, pati na ang kanyang pagiging nasa sirkulasyon sa nagaganap ngayon. Kaya siguro, umpishan lang para hindi naman masyadong maasim, hindi naman masyadong matamis para hindi naman nakaka-inis.
Pero ang sadyang dahilan kaya ko nabanggit ang isa sa pangaral ng erpat ko ay sapagkat ito ang mga salitang binalik sa kanya ng ermat kong si Matilde noong handa na kaming magpunta dito sa Amerika. Noong isang partikular na araw ng Abril 1984, habang nasa harap kami ng hapag almusalan at sarap na sarap naming nilalantakan ang maiinit na sinangag na inulaman ng malutong na binusang matamis at maanghang na dilis na may sawsawang mapulang kamatis na paminsan-minsan ay sinasabayan ng sabaw ng ginisang monggo na ang sarap ay pinag-aaway ng dahon ng mapait na ampalaya at ng di naman gaanong malansang tinapa, ang natatandaan kong tanong ng erpat ko sa ermat ko ay “Mahal bakit naman Amerika.”
Napatigil kaming lahat sa pagkain ng marinig namin ang katanungang yon. At sa aking harapan ay kitang-kita ko ang isang live na suspended animation na naganap. Para kang nanonood ng nakateyp na pelikula sa telebisyon at bigla mong ipinopause, ganoong-ganoon. Kitang-kita ko ang pagtigil ng kamay ng erpat ko habang akma na nitong isusubo ang kutsara ng pagkain na hinihintay ng nakangangang kanyang bibig. Tumigil nang isang saglit ang kanyang pagkilos, tumigil habang unti-unting gumalaw ang aybol ng kanyang mga mata. Tiningnan nito kami ng isa-isa — si Ate Dezza, si Ate Donna, si Jamie, at ako, bago ito tumigil sa erpat ko. Ngayon aybol to aybol na silang dalawa habang unti-unting sumasara ang bibig ng ermat ko at bumababa naman ang kaliwang kamay nya na may hawak na kutsara ng sinangag na dilis.
Matagal na katahimikan ang kasunod nito. Hindi ko matatantya kung gaano katagal, kasi ang alam ko me matagal na madali at me madaling matagal. Para bang lindol, madali lang yon, saglit lang, pero akala mo matagal. Pero ito hindi lindol. Iba ang inaantisipyet ko dito. Labanan ito, digmaan. Hindi naman amoy away, pero labanan ng diwa. Digmaan ng pag-iisip. Kold war siguro sa Inglis. Kaya nang bumukli ang bibig ng ermat, naramdaman kong tumigil ang paghinga ko. Pero bumuka rin ang bibig ko, kasabay ng pakiramdam kong unti-unting tumatayo ang mga buhok ko sa ulo at namimilog ang aking mga mata. Pero nahihimasmasan ako ng marinig ko ang mga salitang lumabas sa labi ni ermat. “Mahal naman, heto ka na naman. Umiiral na naman ang pagiging aktibista mo ng dekada 70.”
Doon ko nalasahan ang kinakain kong dilis. Parehong-pareho sa lasa ng sinasabi ni ina. Maiksi. Pero me tamis-anghang. Me tamis ng salitang mahal at me anghang ng salitang aktibista at ang pagkakabigkas ay malutong. Pero alam kong hindi lang basta sarap ang mararamdaman ko sa mga pagkakataong yon. Dahil meron pang pait ng ampalaya at lansa ng tinapa sa monggong malasang-malasa.
At habang medyo kalmado na ang damdamin ko dahil sa tamis ng umpisang salitang “mahal” ni ina, kasama pa rin dito ang kaba kasi iba ang talim ng almond na mata ni erpat ko na minana nya ke Nana Ming Cu.
At nagpatuloy si ermat, “Alam ko mahal, na ire-resent mo ang covert aksyon ko pero pinag-isipan ko ito bago kami nagpa-interview ng mga anak mo sa U.S. embassy. Natakot ako para sa iyo, para sa pamilya natin, para sa mga bata kahit anong oras ay maaari ka na namang damputin tayong dalawa. Ito ang kasagutan sa mga tanong mo kung bakit ako umiiyak nitong mga huling gabi. Nang nasa Pampanga ka noong nakaraang linggo, dumating dito si Mareng Tesa, yong kaiskwela ko sa U.P. na naging pulis Makati na ginawa nating Ninang ni Donna at ang adres ay ginamit natin nong ipinanganak si Patnubay.
Pinapunta raw sya ng mister nya, si Pareng Mindo, yong nasa JAGO para warningan tayo dahil sa pag-init ng sitwasyon sa pagkamatay ni Ninoy. Minamatahan daw kayong muli, yong mga ex na hindi namundok. Kasi kayo raw ang kahalubilo ng pangkaraniwang tao. Natatakot din ako sa katotohanan nito dahil alam kong hindi rin lang pag-order ng buhangin na gagamitin sa konstruksyo ang ipinunta mo sa Pampanga.
Nakita kong lalong naningkit ang mga mata ng erpat ko sabay sa pagtayo ang pagsasalita nito. Salitang halos ay di ko na intindihin kung ‘diko inulit-ulit sa isipan. Lumabas ang pait at lansa sa salita nya, “Tangna kasing diktadura ito, idinamay na lahat ng tao dahil sa pangungurakot nila. Humirap na lalo ang kabuhayan. Nagkakahiwahiwalay na ang dating buong pamilya.
Ilang kasama ko na sa konstruksyon ang nagpunta sa Saudi Arabia, yon pang magagaling. Yong mga babae, titser dito, alila sa Germany. Mga nurses na nagchamber maid sa London, mga propesyonal na nag-maid sa Kuwait, sa HongKong, kung saan saan. Tapos makakabalitaang me nambababae o nanlalalake na nagiging sanhi ng paghihiwalay. Pati mga bata nadadamay. Tapos ngayon, tayo, kayo. Sige, itakas no ang mga anak mo pero maiiwan ako.” Habang nagsasalita si erpat, ke ermat ako nakatingin. Tiningnan ko nang mabuti ang aking ina. Gusto kong maunawaan ng lubos ang mga pinang-uusapan nila.
Naririnig ko si erpat at gusto kong makita ang reaksyon ni ermat. Nararamdaman kong sa mura kong pagkatao ay kasama na ako dito, apektado. Hindi katulad ni Mang Samuel na basta na lang me kinikita, wala ng pakialam sa kapaligiran nya kung maghirap man ang iba.
Pero ako na alam nyang anak ng aktibista, pinakikialaman nya. Tanggalin ko raw yong itim sa pin sa dibdib ko na me salitang “Ninoy di ka nag-iisa”. “wag daw akong tumulad sa ama kong pakialamero kaya nakalaboso. Sino syang magpapatanggal ng itim na pin na ito na nakita rin ng erpat ko. Pero tinanong lang ako ng “Ano yan, alam mo ba nag ibig sabihin nyan?”.
Hindi ko yon inaasahan. Akala ko inasyom na nya na alam ko, pero sumagot ako ng “opo, nakikiisa ako ke Ninoy.” Ngumiti si erpat at nagtanong uli, “Kilala mo ba sya?” Oo nga naman marsyal law beybi akong di nakita ni anino o retrato ni Ninoy kundi pa ito namatay. Pero kahiyaan na, kaya ang pinakamagandang depensa ay yong alam mong totoo. “Hindi po, pero biktima sya at nakikiisa ako sa kanya para malaman nilang hindi lang tumatahimik ang biktima.” Napawi ang ngiti ni erpat. Hinimas-himas ang buhok ko at nagwika ng pabulong ” anak nga kita.”
Lahat ng senses ko ay gumagana habang pinanonood ko ang mga magulang ko. Naririnig ko ang sinasabi nila. Nakikita ko ang mga reaksyon nila. Di man ako nagsasalita, sumasagot naman sa tanong ang aking diwa. At nakakaamoy ako ng pagtatalo ng prinsipyo, nakararamdam ng takot at ng galak dahil anak ako ng mga taong ang pagmamahal ay sa bayan at sa sarili. Gusto kong maging bahagi non kasi para sa mura kong isipan, maganda yon, ang pagiging hindi makasarili. At ang pagtatalo lang sa sarili ay kung alin muna ang prayoriti sa kasalukuyan.
Nasa ganito ako nang pag-aagaw ng damdamin, nang magsalita uli si erpat, “Mahal bakit Amerika?” sa pagkakataong ito nakita ko ang kahandaan ni ermat. Ngumiti sya at pakutyang nagsabi, “Lahat ng sobra ay masama. Kumain ka ng sobra, maiimpatso ka. Matulog ka ng sobra, mamanasin ka.
Kung sobra ang galit mo sa imperyalista na ‘di mo inaanalays ito, panatiko ka. Hindi naman lahat sa Amerika imperyalista, kokonti lang sila. Ang pinakamarami ay tulad nating biktima ng resesyon, ng implesyon, ng sistema. At saka, kung di Amerika, paki-isplika mo nga kung paano mo ipaliliwanag sa Tsina o sa Russia ang apilyido mong Jones?”

Si Jimmy P. Reyes ay isang lolo, ama, asawa, tito,kapatid, kasama, artista, pintor, makata, at tagasubaybay ng MAKABANSANG ADHIKAANG NAGKAKAISA.


Leave a Reply