ni Ogot Sumulong
Dumarami na ang masugid na mambabasa ng crime novels bilang genre ng nobelang Filipino. Maaaring nasimulan ito nang lumabas ang tinaguriang kauna-unahang crime novel sa bansa sa akda ni F. H. Batacan noong 1996 na pinamagatang Smaller and Smaller Circles. Ito ay na-publish noong 2002 at naging pelikula pa nga na ipinalabas naman sa Netflix noong 2017. Isa itong natatanging literary work sa English kung babasahin. Psychological mystery ng isang serial killer ang kuwento niya.
Tanggap naman na may ilang rekado ng nobelang nasa genre na ito ang kailangan para maging kaaya-aya itong basahin. Ang klase ng krimen, paano nangyari, ano ang mga motibo ng mga posibleng kontrabida, ang pamamaraan ng paglutas ng bida sa krimen at ang rahuyo ng istilo ng pagkakalahad ng kuwento ang ilan sa mga iyon. At dito, may dalawang nobelang tipong mahirap bitawan ang pagbabasa. Tapos may mga hugot pa sa kultura, pulitika, ekonomiya at wika, kaya mapapaisip ka. Sa pag-usad ng kuwento ng mga indibidwal na nasangkot sa krimen, binuhay ng mga nobelista ang kaligiran at sandali ng lipunan. At nagbigay ang mga ito ng isang sipat sa lipunan mula sa kakaibang bintana na may naiibang lente.

Ang Tawag ng Call Center
Ang unang nobela ay nasulat sa English at pinamagatang “The Quiet Ones” ni Glenn Diaz. Una itong nalimbag noong 2017. Panahon ng BPO o business processing outsourcing na pumagaspas noong administration ni Gloria Macapagal-Arroyo at naging isang bahagi ng malusog na pambansang ekonomiya sa mga unang taon ng administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Nagsimula at nagtapos ang kuwento sa airport. Tinutugis ng may kapangyarihan ang bida. Dati siyang nagtatrabaho sa isang kompanyang nasa business processing outsourcing (BPO) industry. Nadiskubre niya ang isang glitch sa sistema ng kompanyang sineserbisyo ng kanyang employer. Sa madaling salita, nakakulimbat siya ng sapat na salapi na nagbigay kakayahang magampanan ang mga pangangailangang pampamilya. Naging kasabwat niya ang ilang katrabaho at naisagawa ang raket na ito nang ilang buwan. Di nagtagal, napagkasunduan ng grupo na itigil na ito. Isa-isa silang nag-resign sa trabaho at binalak na manahimik na lamang.
Ang kaso, nabisto ang raket nila at isa-isa silang nagpuslitan para makatakas sa batas. Sa pagitan ng unang kabanata at ng huling kabanata, tinalakay ng nobelista ang buhay ng grupong ito. Mga nakapag-aral sa kolehiyo. Mga nakapag-travel sa iba’t ibang lugar tulad ng Champs-Élysées at Patagonia. Mga pamilyar sa mga bagay na kosmopolita tulad ng art museum, Kafka at existentialism, Chateaubriand at nasi goreng. Alam nila ang mga paksang hinaharap ng panahon tulad ng globalization, LGBT community, communism, American imperialism at diaspora. Silang dumadanas ng anxiety ng 21st-century living.
Ang kaso, ang mga pangako ng makabagong buhay na kanilang makakamit ay tila ipinagkakait ng kanilang ikinabubuhay. At nang nagkaroon ng pagkakataong makaganti sa sistemang humahadlang sa kanilang minimithi o inaasahan, ipinahayag nila ang kanilang pagtutol sa ganitong sistema. Lumaban sila sa paraang abot-kaya ng kanilang magagawa at ginawa. Nagnakaw sila sa kumpanyang pinayayaman ng sistemang turing sa kanila’y mga kasangkapan ng panghuhuthot ng lakas at talino ng taumbayan.

Ang Kriminal ng Droga
Sa ikalawang nobela, isang krimen ang sumambulat sa maayos na pamumuhay ng isang amang hinarap ang isang corrupt na sistema upang iligtas ang kanyang anak laban sa isang nakapangingilabot na panganib. Pinamagatang “Ang Bangin sa Ilalim ng Ating Mga Paa” ang nobelang ito na sinulat sa Filipino ni Ronaldo Vivo, Jr. Unang nalimbag ito noong 2021, panahon ng administration ni Rodrigo Duterte, kung saan dalawang bagay ang pinaramdam ng nobelista sa kuwento: ang operation tokhang ng anti-drug campaign na ikinamatay ng mga 6,252 na suspects ayon sa official tally ng gobyerno (pero ang tantiya ay sa pagitan ng 12,000 hanggang 30,000 ang napatay), at ang Build! Build! Build! program sa siyang naging pamamaraan ng pangungurakot ng bilyon-bilyong piso sa kaban ng bayan na nagdulot ng flood control project scandal. Ito ang kalakarang nakagisnan ng bida ng nobela bilang may-ari ng isang hardware store.
Kaya noong gabing di umuwi ang kanyang dalagitang anak sa oras na siya’y dapat makauwi, nagsimula ang kanyang paghahanap. At siya ay dinala sa madilim at mapanganib na mundo ng sex trafficking, kidnapping, drug dealing, prostitution, Operation Tokhang, EJKs at military abuses. Sa tulong ng kanyang kaalaman sa social media, criminology, telecommunications at CCTV at kakilala sa iba’t ibang ahensiya at pinagkukuhanan ng mga maselang impormasyon, natagpuan at nailigtas niya ang kanyang inabusong anak at nilapatan ng vigilante justice ang mga may kasalanan.
Ginamit niya ang resources ng sistema at tinanggap ang katotohanan ng korupsiyon, ng katakawan at pagkasakim sa kapangyarihan ng ilang kontratista, militar, negosyante at bullies, ng kawalang pagpapahalaga sa buhay ng mga maliliit na tao. Di niya tinangkang maging bayani. Wala siyang ilusyong maasahan niya ang mga institusyon ng lipunan na kinorap ng pasismo at pera para maipagtanggol ang karapatang mamuhay bilang tao. Pero desidido siyang gawin ang lahat ng paraan para sa kanyang anak, sa mga kaibigan at mga katrabaho na naging biktima ng pasismo.
Ang Sabi ng Bolang Kristal
Dalawang kuwento ng krimen na may dalawang konteksto ng lipunan na ipinakita sa lente ng dalawang sensibilidad sa panahon ng OFWs, red-tagging, POGO, West Philippine Sea, call centers at flood control programs. Internalized ang mga issues ng bida sa “The Quiet Ones” ni Diaz. Parang issues ng Filipino Diaspora o Global Filipino tulad ng identity, heritage at space na pasimple-simpleng tinalakay sa pagkuwento. Parang ipinadama ni Diaz sa mambabasa ang social consciousness ng kanyang bida bilang isang contemporary Filipinong isinilang at nabubuhay sa gitna ng globalization ng kapital at pawis. Parang karga-karga ang katanungang: “Ganito tayo ngayon; saan tayo bukas?”
Sa kabilang banda, pragmatiko naman ang tapyas ng sensibilidad ng bida sa “Ang Bangin”ni Vivo, Jr. Wari ba’y tanggap ng bida ang tigyawat at peklat at bango at panghi ng lipunang kinabibilangan. Ngunit may bakuran ang pagtanggap nito kapag may mga puwersang nangingikil ng kaniyang karapatan. Taglay niya ang kakayahang ipagtanggol ang sarili sa panganib at pasismo na nakalaylay sa paligid. Wari ba’y ipininta ni Vivo, Jr. ang isang lente sa isang contemporary Filipinong nabubuhay sa isang lipunang wasak at araw-araw ay nakikipagdigmaan upang mabuhay nang matino, malusog at malaya. Dalawang lente. Dalawang pananaw: sa ngayon at sa bukas.
Maaaring mahirap paghambingin ang dalawang nobelang ito. May orihinal na kuwento silang isinalaysay. Pareho silang sumagot sa tawag ng kanilang panahon at kapaligiran. Pareho silang naglarawan ng isang panahon sa ating lipunan na hindi natin malalaman kung hindi ito naging mahalagang bahagi ng pagkuwento. Ngunit ang mabigat sa mga ito ay malinaw na malinaw: ang mga manunulat natin ay mulat sa takbo ng buhay at matapang na ipinamamahagi ang mga ito sa kanilang mga akda. At kailangan nila ang tulong ng mga mambabasa na tatangkilik sa ating sining, sa ating panitikan, sa ating mga nobela. Lalo na’t kung sila’y mga lente ng ating contemporary life.
Kaya, tara! Tayo’y magbasa ng mga akda ng ating kababayan. Tangkilin sila, maging sa English o sa isa sa ating mga wika at wikain ang kanilang gamit. Dadalhin ka nila sa iba’t ibang lugar at magpapakita sa iyo ng sari-saring hilatsa ng buhay ng Filipino ngayon.
Oo nga pala, kung interesado kayong mabasa ang dalawang nobelang ito, available sila online.

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Leave a Reply