Ilang Tanong Sa Buwan, Isang Gabing Napuyat, Ang Mga Bintana

ni Ogot Sumulong

1. Almusal

Sa tuktok ng gusaling

Nakadungaw sa ilog Marikina

Gipit ang hangi’t

Gutom ang kalye

Gaano kaya katagal

Makakahigop ng lugaw

Ang araw na uusbong

Bago tubusin ang sigla

2. Ngiti

Sa harap ng gusaling

Kumembot sa ilog Marikina

Nakupas sa maghapon

Ang ngiti ng mga tindahan

Sa sinapupunan ng palengke

Sino kaya ang naglilok

Ng talulot ng tuwa

Sa mukhang sinasagasaan

Ng kapalaran araw araw

3.Kuwento

Sa loob ng gusaling

Binalot ng takipsilim

Sa tabi ng ilog Marikina

Nagkuwenta ng balita

Ang telebisyong paos na

Sa kuwento ng korupsyon

Ano naman kaya ang pasabog

Na balagtasan

Ng mga bayani ng

 

4. Kalsada

Sa labas ng gusaling

Nagtago ng ilog Marikina

At naging paliparan

Ng kayumangging dayuhan

Sumakay at sumabay

Sa daloy ng nag-untugang tambutso

At naghintay na gumulong ang palad

Sa upuan ng maghapon

Malapit na kaya dito ang daanan

Puntang kinabukasan

5. Akyat Panaog

Sa elebaytor ng gusaling

Bitbit bitbit ang alimuom

Ng ilog Marikina

Hinatid ng suelo sa lungga

Ang dala dalang hakot ng maghapon

Sapat na kaya ang pagsisikap

Ng kakayahan at kabuluhan

Para umangat

6. Sahod

Sa tapat ng gusaling

Nagmatyag sa ilog Marikina

Sumigla ang kislot

Ng kainan at kalakal

Sa kembot ng call centers

Magdamag

Sino kaya ang tumakal

Ng salop ng puyatang pamumuhay

7. Pananaw

Sa sipat mula sa gusaling tumubo

Sa anino ng ilog Marikina

Maaliwalas ang langit

Sa ilang dilat na bulag at maangas na

Pipi’t maingay na bingi

Mayroon pa kayang Amorsolong

Nagpipinta ng burak

At bulak ng binulag na bayan 

8. Dayo

Nang isinilang ang gusali

Sa uyayi ng ilog Marikina

Pangarap ng bubong at

Hapag-kainan at kinabukasan

Ay kumanta sa kalansing

Ng baryang kinipkip

Noon

Ngayon

Bakit kaya kailangan

Pumalaot pa ang panaginip

Sa ibayo para punan ng pawis

Ang alkansiyang aawit

Sa tawag ng  tahanan

9. Takas

Sa tapat ng gusaling

Nakasimangot sa ilog Marikina

Naghintay ng bus

Na naghatid sa istasyon

Puntang Baguio

Para suminghap

Ng hangin at haraya

Dinaanan ang piling yaman

At sanlaksang hirap sa kalsada

Na binantad ng bulubundukin

At alapaap at pagdating

Ay nagkape sa tapat

Ng Katedral at pinagbakasyon

Ang diwa sa ulap

Madalas kayang nakakabiyahe

Ang bihag ng balasadong kapalaran

10. Tulog

Sa palapag

Ng gusaling kupkop

Ang hilaw na balikbayan

Di alintana ang alikabok

O alinsangan ng araw

Dahil sa ginhawang

Bigay ng air-con

At bentilador sa magdamag

Karaniwan sa ilan

Gusto ng marami

11. Kusinero

Lakad mula sa

Gusaling inuwian

Puntang pook ng nilimbag

Na salita at pumapak

Ng kataga sa hapag kainan

Ng pahina hanggang maimpatso

Ng sining at wika at panitikan

At kasaysayan at sikolohiya at

Agham panlipunan at ekonomiya at

Pulitika at kultura at aklat pambata

At romansa at libro kung paano gawin

At tulong sa sarili at magasin at diyaryo

At Filipiniana

Daming mapagpipilian

Tulad ng sa piging o piyesta at

Sana’y me ilang namnamin man lang

ang lasa’t diwa’t Isipan ng handa

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.