Akda ni Ogot Sumulong
May isang librong nalimbag nito lamang 2023 na nagbigay ng isang pagsipat sa intellectual landscape ng Pilipinas noong huling hati ng ika-19 na siglo. Akda ito ni Lino L. Dizon na may titulong Imprenta De Ramirez y Giraudier.

Ayon kay Dizon, maraming landas ang hinawan ang naturang imprenta (tagurian nating “IRG”) tungo sa pag-unlad ng Philippine Studies noong huling bahagi ng kolonyalismong Kastila. Ang mga aklat na nalimbag at mga diyaryo, pamplets, magasin, panitikan at government statistics na nilathala ng imprentang ito mulang 1858 nang ito’y nabuo hanggang sa paglunsad ng Propaganda Movement nina Jose Rizal noong 1888 nang unang nalathala ang La Solidaridad sa Barcelona sa pamamatnugutan ni Graciano Lopez Jaena ang siyang humubog ng kamalayan ng mga makabayang Filipino sa kalagayan ng bayan noong mga panahong iyon at gumabay sa progresibong kilusan ng reporma at himagsikan.
Sa simula, ipinakita ni Dizon ang pag-usbong ng sekular na babasahing lihis sa pukaw ng mga palimbagang kontrolado ng mga prayle. Ang kadalasang paksain ng mga ito ay ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa bayan. Naging kapansin-pansin ang pagbabagong ito lalo na nang nabuksan ang bayan sa global trade matapos makamit ng Mexico ang independence nito laban sa Espanya noong 1821 (at naging sanhi ng pagwawakas ng galleon trade na sakal sa leeg na kontrolado ng mga prayle) at nang nabuksan ang Suez Canal noong bandang 1869 na nagpabilis ng pandaigdigang kalakalan. Bunga ng palitang ng teknolohiya at kalakalan, nabawasan ang hawak ng mga prayle at Kastilang gobyerno sa mga palimbagan at pahayagan.
Sino ba ang Filipino Noon?
Binigyang pansin din ni Dizon ang nagiging popular na paniniwala ngayon kung sino ang bumuo ng mga tinaguriang Filipino sa structure ng Spanish colonial class system noong araw. Sa tuktok, ang peninsulares (mga Kastilang ipinanganak sa Espanya), kasunod ang mga insulares (o creole na mga Kastilang dito na o sa Mexico ipinanganak). Tapos ay ang mga mestisong Kastila at Tsino. Sa sahig ng hierarchy ang mga Indio (sa pangunguna ng principalia o uring ari – mga katutubong nagsilbi sa ginhawa ng mga kolonyalista (kasama na dito ang principalia o uring katutubong aristocracy). Sila ang tinaguriang Filipino.

Sanhi ng pagbukas ng Pilipinas sa global trade, ang pasok ng teknolohiya at pilosopiya at pangyayaring politikal (gaya ng French Revolution at American Revolution na naging isang basehan ng Age of Enlightenment sa Europa), maraming mga Filipino ang namulat sa nangyayari sa loob at labas ng bansa noon. Unti-unti, nagkahugis ang diwa ng pagka-Filipino sa mga ilang Kastilang Filipino dahil tinuring nila ang sarili na bahagi na sila ng lupang nagpabuti ng kanilang kalagayan. Ang kanilang mga anak ay nakapag-aral, naging bihasa sa wikang Kastila at nakapaglakbay sa iba’t ibang bansa ay nagsimulang magtanong sa kanilang identidad. Sila ang bumuo ng uring ilustrado ng mga Filipino noon.
Tamang Tiempo sa Tamang Panahon
Ang pagkakatayo ng IRG ay umangkop sa panahong ang mga Filipino ay nagsisimula nang tingalain ang Pilipinas bilang lupang kanilang tinubuan. Tinayo ang imprentang ito noong 1858 nina Manuel Ramirez at Baltazar Giraudier. Si Ramirez ay isang kilalang typographer at dating regente o puno ng Dominican press ng University of Santo Tomas. Si Giraudier naman ay isang nangungunang lithographer/artist ng mga tanawin sa paligid ng Maynila. Tinuon ng IRG ang pukaw nito sa mga bagay-bagay na kaugnay sa ekonomiya, pulitika, wika, kalinangan at kasaysayang pre-colonial ng Pilipinas. At mula sa palitan ng diwa’t balita mula sa iba-ibang bansa, sumibol ang mga progresibo’t makabayang kaisipan at kaalaman ng mga Filipino nitong huling dekada ng kolonyalismong Kastila na nagdala sa kilusang reporma at himagsikan. Nangunguna na pagtalakay ng ganitong maiinit na paksain ang mga nilathala ng IRG tulad ng pahayagang pahayag tulad ng Diario de Manila,ang magasin na Ilustracion Filipina at ang journal na Revista de Filipinas.


Higit na umigting ang journalism ng huling bahagi ng ika-19 siglo nang pumasok ang progresibong si Jose Felipe Del-Pan bilang editor ng Diario de Manila. Masigasig niyang isinama ang siyensiya, panitikan at sining sa kanyang pamamahala. Bilang isang kilalang manunulat at editor, ginamit niya ang journalism bilang epektibong kasangkapan para lumawak ang pang-unawa sa lipunan at kultura ng bayan noon. Maraming mga manunulat sa nasabing pahayagan nagbigay-pansin sa sari-saring wika at panitikan ng bansa, sa flora at fauna ng ilang probinsiya, ang siyensiya ng lokal na paggagamot at iba-iba pang sangay ng pag-uulat hinggil sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga panahong iyon.
Binhi ng Diwa ng Pagbabago
Sa daloy ng kaalaman tungkol sa kalagayan at kaayusan sa loob at labas ng bayan, nabuo ang isang uri ng Filipino na tinawag na ilustrado. Dahil hindi sapat sa kanila ang edukasyong natamo mula sa mga prayle, nanguna sila sa paglikom ng kaalaman sa ekonomiya, foreign affairs, law, governance, trade, military history, linguistics at iba-iba pang sangay ng pagiging isang bansa. Nang naganap ang 1872 GomBurZa martyrdom sa Bagumbayan, tumindi ang makabayang kilusan ng mga ilustrado sa pangunguna ng namumulat na ilustrado tulad nina Jose Rizal, Marcelo H del Pilar, Graciano Lopez, Pedro Paterno at Isabelo de los Reyes.
Ang mga nilimbag at nilathala ng IRG nang mga taong 1884 hanggang 1888 tungkol sa mga pagbabago sa kaayusang panglipunan tulad ng 1872 Cavite Mutiny ay nagpaigting ng kilusang repormista na di naglaon ay napalitan ng armadong pakikibaka. Ang lahat ng mga makabuluhang pagbabagong ito na buong tapang at gilas na nalathala sa mga pahayagan ng IRG at umabot sa lumalagong bilang ng mga mambabasa. Nang pumanaw ang dalawang higante ng IRG, ito’y pinatakbo ng biyuda ni Ramirez at di nagtagal ay pinamahalaanan ng direktor ng Diario de Manila na si Don Luis Elizalde.

Sa pagtatasa ni Dizon, maaaring ituring ang IRG na siyang pangunahing responsable sa produksyon ng modernong kaalaman tungkol sa Pilipinas noong panahon. Sa simula, mga religious treatises at catechisms sa iba’t ibang wika at wikain, royal decrees, at customs regulations ang mga publikasyon nito. Pero di nagtagal, ang mga ito ay nasundan ng mga materyales na tumutudla sa mga paksaing bayan. Halimbawa ay ang republication ng mga regional dictionaries na nalimbag santaon nang nakalipas tulad ng Vocabulario de la lengua Pampanga en romance ni Diego Bergaño at ang Vocabulario de la lengua tagala, compuesto por varias religiosos doctos y graves ng mga Jesuits na sina Juan Noceda at Pedro Sanlucar. Nilimbag din ang ilang libro hinggil sa geography ng bayan tulad ng Compedio de geografua de las islas Filipinas, Marianas y Jolo ni Francisco X. Baranera, SJ. at ang 2-volume na Historian geografica, geological y estatistica de Filipinas ni Agustin de La Cavada Mendez de Vigo. May pagsasalin din na nalimbag tulad ng A Visit to the Philippine Island ni John Bowring at ng Estado de Las Uslas Filipinas en 1810 ni Tomas de Comyn.
Paano Tayo Ngayon?
Kapansin-pansin na ang tradisyon sa matapat na paglilimbag at makabuluhang paglalathala ay patuloy na dumadaloy sa mga publikasyon ng mga imprenta tulad ng UP Press, Ateneo Press at UST Press. Sa larangan ng kasaysayan, siyensiya ng panglipunan, kultura at iba-ibang larangan ng Philippine Studies. Sa edukasyon naman, nariyan ang National Bookstores. Ang kilalang Anvil Piblishing kasama ng mga maliliit na palimbagan tulad ng Ulagad ay masiglang naghahain ng mga makabuluhang akdang pampanitikan. Sa online media kung saan ang journalism ay isang pagsusubok sa pakikisalimuha’t pakikisangkot, puwedeng subaybayan ang katulad ng Bulatlat at Rappler.
Ang simula, pag-unlad at kasalukuyang estado ng paglilimbag at paglalathala ng mga makabuluhang kaalaman, karanasan at kaisipang Filipino ay may malaking kontribusyon sa ating pag-unlad bilang bansa. Pero ang kasaysayan nito ay isa pa ring kabanata ng ating pambansang kuwento na nasa tagiliran ng ating kaalaman na katapat-dapat na bigyan ng kaunti nating pansin. Makakakuha ng kopya ng aklat na ito sa Amazon.com. Tunghayan sa You Tube ang videong gawa ng Vibal Foundation tungkol sa aklat sa link na ito:

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Leave a Reply