Ang PanAfrica Bilang Isang Kwento ng Diaspora

Isang rebyu ng exhibit sa Arts Institute of Chicago ni Ogot Sumulong

Isang bentahe ng pagtira sa isang malaking lungsod kagaya ng Chicago ay ang pagkakaroon nito ng kilalang museong taglay ang di-mabilang na obras maetras na nakikipagligsahan sa kalidad at koleksyon ng mga pangunahing museo ng mundo. Ito ang sarili natin at maipagmamalaking Arts Institute of Chicago. Manaka-naka, ito’y nagtatanghal ng mga curated exhibitions na bumabalik-tanaw sa mga makahulugang kaganapang kultural. Mga kaganapang nagpapayaman ng ating pag-unawa sa mga pagbabagong iniluluwal ng teknolohiya, politika, ekonomiya at kalakalan. Sa ngayon, itinatanghal nito ang isang exhibit na maituturing na kauna-unahang pagpupugay sa diwa ng Panafrica at ng mga manipestasyon nito sa sining, sa kultura at sa usaping politikal. Ito ang Project a Black Africa: The Art and Culture of Panafrica.
 

Maikling Kuwento ng PanAfrica

Noong huling bahagi ng ika-19 siglo, mapait na dumanas ang continental Africa ng tinaguriang “Scrabble for Africa”. Matapos bihagin ang milyon-milyong katutubong Afrikano mula sa iba-ibang tribo at gawing alipin sa mga ibayong lupain gaya ng Jamaica, Haiti, Cuba, Brazil at USA, pinagtatatapyas pa ng mga Kanluraning bansa kagaya ng Ingles at Pranses ang mga bansa nito tulad ng South Africa, Chad, Mali at Algeria.

Ang hanap naman ngayon ng mga ito ay ang likas na yaman ng mga sinakop na bansa at tambakan ng mga kalakal nila. Kaalinsabay nito isinilang ang PanAfricanismo, isang kaisipan o pananaw na nabuo mula sa malupit na karanasan ng mga Black sa iba’t ibang bansang kanilang kinasadlakan. Nabuo ang mga masusing pagsiyasat sa kolonyalismo, paglaya at pangarap ng isang nagkakaisang Africa.

Kaakibat nito ang pagbuo rin ng indibidwal na kakilanlan at paglikha ng pangmalawakang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan na may African descent. Lahat ng ito’y patungo sa isang lupaing walang bakuran, sa diwa ni Benedict Anderdesn na imagined community, sa PanAfrica. Ang PanAfrica ay isang dalumat, isang konsepto kung saan ang paksain ng dekolonyalismo, solidaridad at kalayaan ay tinatalakay at itinatawid sa landas ng mapagpalayang kinabukasan. 

“Art of the Negro”, 1952, Hale Aspacio Woodruff, American. Isa ito sa anim na panels na naglarawan ng cultural heritage ng mga Afrikano at ng African diaspora.

Tampok ng exhibit ang higit sa 350 na piyesang nagpahayag, nagpakita, nagbigay-tinig sa kilusan ng PanAfricanismo. Mahigit isang dantaon na ang nakalipas ngunit ang impluwensiya nito ay patuloy na makikita sa kasalukyang sining at kultura.  Ang daluyong na nilikha ng mga polyeto, diyaryo, libro (tulad ng Wretched of the Earth ni Frantz Fanon), magasin, record albums, mga akda ng kilalang makata (gaya ni Aime Cesaire ng Martinique), manunulat at historyador ay naglunsad ng mga paintings (tulad ng tagaritong pintor na si Kerry James Marshall at ang kontrobersiyal na Nigerian na Chris Ofili), installations, sculptures, videos at photography taglay ang malawak na kaisipang PanAfrica. 

Isang pananaw na nagkasasangay-sangay ng pagtingin, pagsipat at pagkilos tungo sa pagkakaisa batay sa binurang nakalipas, aspirasyon sa sariling kakinlan at karapatan at puwesto nito sa pangdaigdigang tanghalan.  

Tatlong Punto-de-bista

Ang katagang PanAfricanism ang naging taguri sa kaisipang nagsilbi bilang kulambong sumukob ng iba’t ibang pagtingin bilang isang kilusan para sa mga Afrikanong kinalat ng kolonyalismo sa apat na bahagi ng mundo. May tatlong landas ang nangibabaw mula nang lumaganap ang kilusang ito noong 1900’s.  Noong bandang 1920’s, sumiklab ang kilusang Garveyism bilang reaksyon sa mga pait ng pagkaalipin at kolonyalismo. Nanguna ang Jamaican na si Marcus Garvey na ipahayag ang pangngangailangan ng racial solidarity at economic independence ng mga Blacks na may African descent dahil di nila makakamit ang mga ito sa ilalim ng mga kolonyalistag pag-iisip.

 

Study for La Jungla, 1942, William Lam, African-Cuban. Inilarawan ng pintor ang unti-unting pagbubuo ng Africa sa kagubatan ng mixed identities at pagtulay sa walang katapusang diskurso ng lupang tinubuan at national identity.

Lumakad ang 1930’s at  pumagaspas ang kilusang Negritude sa sirkulo ng mga Afrikano’t Caribeyanong naninirahan sa Paris, France nang nagtanong sila tungkol sa kalayaan sa gitna ng neokolonyalismo, sa pagiging bahagi ng isang komunidad ng mga Blacks na may African descent, sa kung ano ang lente mula sa pananaw ng isang Afrikano at mula sa diasporang Afrikano. Giniit nila ang pagsama at pagtampok ng mga pamana ng Afrika sa mundo sa halip na ipagdikdikan ang kasinungalingang walang kasaysayan ang mga Blacks.

Kojo, 2021, Tavares Strachan, Bahamian. Dahil maraming di nasulat sa kasaysayan, ipinakita niya dito ang lagay kung ang isang Black ay isang royalty na nakaupo sa trono.

Malaki ang populasyon ng mga Blacks na namamarginalize sa Brazil. Marahil siguro sa milyon-milyon aliping Black na dinala ng mga Portugues dito mula ika-16 hanggang 1ka-19 siglo. Sa pagitan nito, may mga alipin na nakatakas at nagsama-samang manirahan sa mga kutang malayo sa kamay ng panginoong maylupa na tinawag na quilombo. Ang katagang ito ang ginamit sa pagkakabuo ng isa pang kilusan.

Nang dumating ang 1980’s, ipinapanukala ng African-Brazilian playwright, artist at politikong si Abdias do Nascimiento ang Quilombismo bilang isang kilusang nagmumula sa baba pataas, sa loob palabas at sa pagsasanib-sanib ng mga ito tungo sa mga lipunang bubuo ng PanAfrica. Dito, ang quilombo na dati’y espasyo ng paglaban sa pagkaalipin ay gamit ngayon bilang isang samahan sa pagbubuo ng lipunang nakabatay sa pagkapantay-pantay ng bawat nilalang at pakikiisa sa mga lipunang Black na bubuo ng PanAfrica, kundi man sa isang pook, ay sa pananaw. 

The Chief: He Who Sold Africa to the Colonists, from the series Tati, 2008, Samuel Fosso, Camaroon-born Nigerian. Dito, ipinakita ng photographer ang kultura ng Africa bago at pagkatapos pumasok ang mga Puti sa Africa. 

Aral at Pamana ng Karanasan

Sa unang tingin, maaaring sabihin ng nakadalo na ang exhibit ay walang kaugnayan sa karanasan natin bilang mga Filipino at Filipino American dito sa Chicago. O sa nakakita nito, ito’y isang diorama ng pagsupil ng nang-api at paglaban ng inapi na  nakapagbibigay kaalaman sa buhay ng ibang bansa.

Pero posible rin naman na may kaugnayan ito sa ating buhay bilang isang bayan at matanto ang pagkakapareho ng mga pinagdaanan nila sa ating nakaraan at kung paano tayo tumugon sa panawagan ng pagbabago.

Starry night and the Astronaut, 1972, Alma Thomas, American. Ito ay abstraction ng  aspirasyon na maging bahagi ng langit ang mga Black astronauts.

Nang pinaghati-hati ang Africa noong katapusang ng ika-19 siglo, pinagbibingwit rin ang mga Asyanong teritoryo ng mga Ingles, Alemanya, Japan at Pranses.

Ang Filipinas ay “inagaw” ng America mula sa Espanya. Pumutok ang Propaganda Movement sa ating bayan at nangibabaw ang pagkamakabayan ng ating mga kababayan. Nakatulong ang mga diyaryo tulad ng La Solidaridad, mga sedisyosong dula tulad ng Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino na nagpahayag ng pagtutol.

Noong una’y hiningi natin ang pantay-pantay na pagtingin sa mga Kastila at Filipino pero di nagkalao’y himagsikan tungong kalayaan ang isinigaw nang matanto na di nito ibibigay ang mga kahilingan. Sa ilalim ng mga Amerikano, nagkaroon tayo ng edukasyon para turuan ang ilang piling kababayan na maging manedyer ng mga mananakop.

Ang karamihan ay nalubog sa kahirapan at napilitang dumayo sa Guam, Hawaii at California para magtanim ng gulay, mamitas ng pinya at mangliit sa racial discrimination at kawalang ng workers’ rights. Sila ang mga Manong natin, at ang kauna-unahang OFW. Tila may alingawngaw ng kaunti ang diwa ng Garveyismo sa bahaging ito. 

Dreams of the Detainee, 1961, Inji Effatoun, Egyptian. Sa gitna ng pagkakakulong, pagbubugbog, panggagahasa at psychological torture, ipinadadala nito ang tatag at sigasig sa paglaban sa awtoridad ng pasismo.

Ang dekada sisenta ay saksi sa mga magulong pagbabago sa lipunan, sa kultura at kasaysayan.  Tumindi ang Black civil rights movement sa America. Problema ng Pranses ang rebolusyon ng mga colonies nito sa Africa. Sa Pilipinas naman, isinigaw ni Renato Constantino ang misedukadyon ng mga Filipino sa ilalim ng mga Kano. 

Ang pagbagsak ng diktadurya ni Marcos ay nagbukas ng maraming ispasyong demokratiko. Kakambal naman nito ang pagdayo ng daan-daang libong Filipino sa iba’t ibang bansa upang makipagsapalaran para sa isang maayos na kinabukasan ng pamilya, bitbit-bitbit ang lakas at talino ng ating kabataan.

At doon nagsimulang yumabong ang Diasporang Filipino. Sinaliksik ang mga kabanata ng kasaysayang binaluktot ng kamangmangan ng mga Espanyol at nalamang ang Filipinas ay may malalim at malawak na pakikipag-ugnayan sa mga lupain sa Timog Silangang Asya.

Ang mga wika at ninuno nito ay may isang pinag-ugatan. At ang kalakalang maritime sa mga karatig na lupain ay malusog na malusog noon. Nababatid ang halaga ng isang samahang may magkakapareho ng pambansang karanasan at kasaysayan sa Timog Silangang Asya. Kaya’t masasabing ang diwa ng Negritude ay naaanino sa ganitong pagsusuri ng panlipunang saloobin at national identity.

Ang bunga ng Quilombismo sa atin ay namukadkad sa bugso ng mga pagsisikap na sipatin, alamin at ikawing ang mga local histories ng mga purok at probinsiya upang mabuo ang ating pambansang kasaysayan, kultura, wika at kaisipan. Ang pag-aaral sa relihiyon, pamamahala, kaayusang panglipunan, anthrolohiya, arkeolohiya, teknolohiya at kabuhayan ng ating mga ninuno ay nabibigyan ng kongkretong kaanyuan at nagpapatibay sa pagkilatis ng ating Filipino identity, global space at post-colonial liberation.

Hindi masasabing tama o mali ang mga kaisipang isinilang sa pananaw na ito ng PanAfricanism. Walang matagumpay o palpak na pamamaraan ang ginamit sa mga kilusang nito. Pero isang kapansin-pansin dito’y buhay na buhay ang diwang kumikilos upang ipagtanggol ang humanity ng mga Blacks at mga may African descent.

Tungo sa PanAfrica, kahit man lang maninirahan ito sa puso’t isip. At sa atin, maaaring may natutunan tayong batay sa kanilang karanasang pambansa.  Mga binhi, butil at bunga ng diwa ng PanAfricanismo na gagabay tungo sa isang malusog, matikas at matatag na Filipinas kasama na ang ating mga kapatid na bahagi ng Filipino diaspora community. At tungo sa isang mapayapang samahan ng mga kapatid nating bansa sa Timog Silangang Asya. 

Kaya, tara na’t puntahan ang PanAfrica exhibit. Bukas ito hanggang sa katapusan ng Marso. Ito ang hyperlink para sa detalye: https://www.artic.edu/exhibitions/10157/project-a-black-planet-the-art-and-culture-of-panafrica

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.