ni Ogot Sumulong
Kung makikita natin ang Philippine Revolution sa konteksto ng Asya noong pagsara ng piyudal na ika-19 dantaon at pagsimula ng “modernong” ika-20 dantaon, maaaring lalo pa nating matatanto ang lalim at bigat ng pagkakabuo ng kauna-unahang, bagama’t di nagtagal na, makabayang republika sa Asya noong 1899.
Ang aklat ni Nicole Cuunjieng Aboitiz na nalimbag noong 2020 ay nagtatangkang iugnay ang pag-aalsa ng mga Filipino laban sa Espanya sa gitna ng mga pananakop ng ilang expansionista/imperialistang bansang Kanluranin sa mga bansa sa ngayo’y tinatawag nating Timog-Silangang Asya. Gaya ng pagkolonisa ng Pranses sa Vietnam, Cambodia at Laos na binansagang French Indochina. O nang sunggabin ng Inglaterra ang yaman ng Burma at ang kontrol ng karagatang pangkalakalan sa Malaysia (Federated Malayan States ang tawag noon). At inangkin muna ng Netherlands ang Aceh sa Sumatra, pero di naglao’y kinamkam na rin ang buong Indonesia (Netherlands East Indies naman ang ipinangalan dito noon).
Sa Pilipinas, ang ilustrado ang siyang bumungkal ng diwa ng ating pinagmulang lahi, wika at kultura. Ito rin ang nagbalangkas ng mga mapagpalayang kaisipang gumabay hanggang maisakaturaparan ang konsepto sa rebolusyunaryong aksyon noong 1896. Sa mga akda nina Mariano Ponce at Marcelo H del Pilar sa La Solidaridad halimbawa, makikintal ang kanilang kamulatan sa nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng Asya at nababanggit sa kanilang akda ang konsepto ng “Asia for Asians”. Hindi rin naiiba ang reaksyon at pagkilos ng mga intellectual at makabayang grupo tulad ng sa Vietnam, Japan at Tsina. Nang naging kinatawan si Mariano Ponce ng republika sa Japan noong mga taong 1899 hanggang 1901, nakilala niya ang mga taong nasa likod ng mga organisasyong nagtataguyod ng Pan-Asianism ng mga panahong iyon. Kasama na rito ang mga “Koreans, Chinese, Japanese, Indians, Siamese at Filipinos” na tumatalakay sa mga isyu ng Korea (pagsakop ng Japan nito) at Pilipinas (ang digmaan laban sa Espanya noong una at sa Amerika kinalaunan). Dito nahinuha ang palitan ng diwa at pananaw sa nabubuo at naglalagablab na kilusang anti-colonial sa mga kolonisadong bansa sa Timog Silangan.
Isang paksa na binigyang pansin ng aklat ay ang pagsakop sa Korea, Taiwan at Tsina ng Japan, kung saan isinilang ang kaisipan hinggil sa Asian solidarity. Pan-Asianism (na muling binuhay ng Hapon sa Pilipinas nooong WWII). Maraming kaganapan sa mga kanugnog na lupain ang kaalinsabay ng rebolusyong Filipino. Ang pinakamahalagang aspeto ng akdang ito ay ang pagpapatunay na ang nangyari sa Pilipinas ay di naiiba sa mga kaganapan sa karatig bansa sa Timog-Silangang Asya. Na ang Pilipinas ay talagang bahagi ng rehiyon dahil sa mga halos magkakasintulad ang mga pinagdaanang politikal para makamit nito ang minimithing kasarinlan ng bawa’t bansa .
Maraming paksain ang tinalakay ng aklat na ito. Isa na rito ang konsepto ng pagiging Asyano, ang pinagmulan nito, ang pagkakabuo nito at ang mga katangian nitong hinubog ng madugong pakikipagtunggalian sa mga kolonyalistang Kanluranin at ng mga puwersang rebolusyunaryo, anti-colonial, anti-Catholic, anti-French/anti-Spanish/anti-English — Paano naipunla ang kaisipan at proseso ng nasyonalismo sa iba’t ibang bayang Asyano sa gitna ng industriyalisasyon at imperyalismong namayani noon? Paano nagsimula at nabuo ang daan at palitan ng mga kaisipan, diwa’t paniniwala tulad ng liberalismo, demokrasya, makataong karapatan, marxsismo, kapitalismo? Ano ang mga naidulot ng pagwawakas ng Manila galleon trade at pagbukas ng Suez Canal sa Middle East na nagpabilis ng biyahe at ng palitan ng mga kaalaman sa pilosopiya, politika, ekonomiya at relihiyon? Paano lumawak at lumawig ang sakop ng pakikipagkalakalan sa mga bansa gaya ng Alemanya, Ingleterra, Pranses at Amerika?
Tungkol naman sa propagandista’t rebolusyunaryo, sino ba ang mga tinatawag na Filipino noong panahon na bumuo ng konsepto ng nasyonalismo batay sa mga katiwalian ng mga prayle at gobyerno militar sa Pilipinas? Ano-anong mga lente ang ginamit sa pagtasa sa rebolusyon Pilipino? Paano tiningnan ng lente ang mga digmaan, patayan, eleksyon at away-away ng mga nasa liderato na naganap sa Pilipinas? Anong lawak ng pagsasaliksik ang ginawa gamit ang lente ng mga Amerikano upang isalarawan na ang mga Filipino ay hindi pa handang maging isang bansa? Anong kolonyalistang lente ng mga Espanyol ang pinanghawakan para benta ang Pilipinas sa mga Amerikanong imperyalista? Ano ang lente ng Asyano na nabuo ng mga karanasang kolonyalisado ng mga bansa sa Timog-Silangan? Bakit at paano naisilang ang konsepto ng Pan-Asianism na ipinanukala ng bansang Hapon matapos nitong sakupin ang Korea at Taiwan noong mga panahong ito at tinangkang isakatuparan ito noong ikawalong digmaan pandaigdig nang sinakop nito ang mga bansa sa Timog Silangan kasama na dito ang Pilipinas?
May mga pananaw na hindi raw Asyano ang mentalitad at ang mga pinagdaanan ng Pilipinas dahil ito’y Katoliko, ang kultura nito ay hinulma ng mga Espanyol (at pinagkait sa una ang wikang Kastila at ng edukasyon) at Amerikano (biningwit ng mga ito ang puso’t diwa ng mga Filipino sa edukasyon at pangako ng kalayaan). Pero pinabubulaanan ng aklat na ito ang ganitong paniniwala. Dahil sa karanasan nito sa kolonyalismo, hindi naiiba ang pinagdadaanan ng Pilipinas. Nga lang, ang Amerika ang nagbigay ng moderno pero kolonyal na pagbabago sa Pilipinas.
Nagsimula ang liberalisasyon ng ekonomiya sa Pilipinas nang nagwakas ang Manila galleon trade sa panahong kumakalas ang Mexico sa Espanya noong bandang 1815. Dahil nawalan ng revenues ang pamahalaang Kastila, binuksan ang mga pantalan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas para sa international commerce. Yumaman ang mga negosyante mula ang piling grupo ng mga Kastilang dito na ipinanganak (insuraleres), mga Kastilang sa Espana ipinanganak (peninsulares), mga mestisong me lahing Kastila, mga Tsino, mestisong may lahing Tsino at mga Indios (marahil mula sa grupong principalia). Dahil dito, naging masigla ang pakikipagkalakalan sa iba’t ibang bansa gaya ng Pranses, Ingleterra, Alemanya at Estados Unidos. Natiyempo pang naging republika ang Espanya noong 1873. Naging liberal ang pamahalaan at dumaloy ang mga progresibong kaisipan sa Pilipinas dahil dito. Nakapagbiyahe rin ang mga ito’t nakapag-aral sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa sa Europa. Kaya nang pinatay ng mga prayle sina Gomes, Burgos at Zamora dahil sa isyu ng sekularisasyon ng Simbahan, napagtanto ng mga nakapag-aral at nakasaksi ng demokrasya sa Europa ang mga katiwalian sa lipunan at ang mga ugat nito. Ito ang lente natin sa naganap tungong reporma muna para maging probinsiya ng Espanya ang Pilipinas pero di naglao’y rebolusyon dahil hindi ito ibibigay ng Espanya kahit anupamang patunay na may karapatan maging malayang bahagi ito nito. Pero ayon ke Aboitiz, kung ilalagay natin sa konteksto nang mga nangyayari sa iba’t ibang parte ng Asya noon, kaasabay tayo sa agos ng pagbabagong naganap noong mga panahong iyon. Iyong panahon ng kolonyalismo at pakikibaka upang makapagsarili at mabuhay ng marangal bilang isang malayang bansa.
Dahil sa industrial revolution, kailangang manakop ang mga kolonyalista taga-Kanluran ng mga bansang Asyano para mapagkunan ng raw materials at cheap labor. Ito ang nagpapasigla ng kanilang ekonomiya. Naging parang melon ang Asya na pinaghati-hatian ng mga kolonyalista’t imperialista. Noong 1853, sapilitang pinabuksan ng Amerika ang Japan sa international commerce at para na rin makalundag ito sa minamataang Tsina. Nga lang, ito rin ang sanhi ng pagdaloy ng mga Kanluraning kaisipan at teknolohiya na naging punla ng modernisasyon ng Japan na tinaguriang Meiji Restoration. Tulad rin nang nangyari sa Pilipinas, ang pagbubukas ng bansa sa kalakalang internasyunal ang nagpausbong ng kaisipang Kanluranin na naging gabay sa kilusang Propaganda at rebolusyong naganap noong panahong iyon. Ang mga ito ay naging katangi-tanging Asyano ayon sa kani-kanilang kalagayan at paraan ng pakikibaka laban sa malakas at makabagong puwersa ng mga dayuhang taga-Kanluran.
Ang Philippine Revolution ng 1896 ay naging kauna-unahang makabayang pag-aalsa sa Timog Silangang Asya. Ito rin ang naging masilakbong basehan ng kilusang anti-colonial sa ika-20 dantaon na humubog ng rehiyon at ng mundo. At iminumungkahi pa ng may-akda ng aklat na kailangan pa ng marubdob na pagsasaliksik at malalimang pag-aaral sa hanay ng “transnational intellectual connections” na humubog ng isang pananaw na Asyano. Lalo na ngayong umiigting ang tunggalian sa West Philippine Sea, ang issue tungkol sa Taiwan, sa mga kapatid nating Muslim sa Mindanao at mga kababayan nating OFW’s sa Middle East. Apektado dito ang interes na politikal, economic at military ng Vietnam, Indonesia, Malaysia, Taiwan at Japan. Pati na rin, sa malawakang pananaw, ang natural resources at commercialization lines sa rehiyon na sumasaklaw ng galawang kalakalan (supply chain) sa buong mundo.
Malaking ambag ang akdang ito sa paglalagay ng karanasang pangkasaysayan sa isang posibleng kontekstong Asyano, sa isang naiibang lente sa pagsipat ng mga masasalimuot na kabanata ng kasaysayang unti-unting lumilinaw sa ating paningin at pag-unawa, sa makahulugang karagdagan sa Filipino diaspora studies, sa mga Filipino at Filipino-Americans na tumitingala sa bayang pinagmulan. Sana’y nakatulong ang pagsipat ng aklat na ito upang lalong magbigay ng detalye at linaw sa iyong pagbasa sa kabuuan. Makakakuha ng kopya sa Amazon.
Si Ogot Sumulong ay Retirado. Interesado sa nagbabagong anyo at kasalukuyang paggamit ng ating wika at panitikan. Nahihilig din sa mga paksain hinggil sa sinaunang kasaysayan ng bayang tinubuan.
Leave a Reply