by Ogot Sumulong
Isang kilala, matagumpay at malikhaing artista sa Pilipinas si Willi Red Buhay. Pinalad ang Chicago nang ginawa niyang Tahanang Buhay ang kanyang bagong bayan. Ngunit sandali lang iyon. Pumanaw siya noon Mayo ng nakaraang taon. Nitong huling October 27 ay ang kanyang kaarawan. Ipagdiwang natin ito at magbigay-pugay pa sa kanyang mga nagawa upang itaguyod ang kasaysayan at kultura natin. Naging aktibo siya sa Filipino American Historical Society of Chicago, isa sa mga pangunahing culture bearers ng bayan natin dito. Isang saludo sa iyo, Willi!
Ilang Salamin ng Pagbabalik-Tanaw
Mababanaag sa mga piyesa ni Willi dito ang bakas ng nakalipas. Nakalipas na panahon, na kilos at galaw, na paniniwala sa kasaysayan at kultura ng isang kabanata. Naging saksi siya sa pagpapalit-palitan ng telon sa tanghalang Filipino. Ang pagmamasid na binuhay sa kanyang pinta ay nagbahagi sa atin ng ilang sulyap sa ating pagkakakinlan.






Ang Pagbabalik ni Willi Red Buhay
Pag nagkikita kami ni Willi sa ilang piling okasyon, pansin ko ang kasuotan niya. Naka-Barong siya madalas pero di karanıwan ang detalye, tabas at materyal. Me kasamang suot na tamborin minsan. Madalas niyang nababanggit ang pagbiyahe sa Pilipinas. Me nagbalita na naging bahagi siya ng isang prohekto sa Filipino cultural material sa Field Museum. Sa usapang kaswal ng mga kaibigan at kakilala, napapag-alaman ang kanyang mga pinagkakaabalahan. Lagi, ang mga iyon ay may kaugnayan sa kultura natin, kung paano ito bubuhayin at maging bahagi ng ating pang-araw araw na kamalayan at pamumuhay. Lalo iyong pinagtibay nang sinulat nila ni Estrella Ravelo Alamar ang aklat na pinangalanang Filipinos in Chicago noong 2001. Narito ang isang tula ng pagpupugay sa kanya at sa kanyang mga inalay niya dito sa ating komunidad.
Papauwi
para kay Willi Red Buhay
Tanto mong
maraming daanan
patungong
kalinangang kayumanggi.
Nag-alay pa nga
ito ng isa nang
dumayo ka sa
kabilang pampang.
Sa lilim ng ibang bubong,
sa payo ng ibang salita,
sa bihis ng ibang gawi,
sa bakuran ng ibang dalumat,
lumikha ka
ng kailangan
at ng mahalaga
nang walang kibo,
at ng buong tiyaga.
At sa iyong pagbalik,
sa iyong pag-uwi,
panata mo’y
isang tala sa aral
at sining ng isang
manlalakbay na naging
saksi sa kumpas at
sayaw ng isang libo’t
isang tinikling.
At ang iyong handog,
ang pamanang
pinanday ng kilos at
gawa ay isang
tanglaw dito sa
ating bayan ng Chicago,
lalo na’t ngayong
panahon ay
kumukulimlim.
Maraming salamat!
Mabuhay ka!
Ogot Sumulong
October 2026

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Leave a Reply