ni Ogot Sumulong
Paano nga ba
hinihinang ang salitang
bantad sa
pagbaha ng batasang pangungurakot
pagkitil ng labingsiyam na kinabukasan
parada ng buwayang buwang at hibang na halimaw
pagpinta ng huwad na katotohanan
pangngungupit sa 695 butil ng buto’ t balat na araw
pagsangla ng kalikasan kapalit ng kalansing at tingga
Nalulula ang utak sa
espasyo ng dismaya at pag-asa
lilim ng bubong at bukas
tanghalan ng ngayon at panghihinawa
Napipipi sa paos na pangarap
Natutulala sa binalasang buhay
Nalulublob sa putikan ng alinlangan
Naninimbang sa lutong-makaw na balita
Nagtitinikling sa dagok at sipa
ng kabisera ng kasaysayan
at laylayan ng lipunan
Pero may
bulong ang tinubuang lumot
alingawngaw ang ibayong alamat
kumakatok sa
lungga ng pananahimik
pusong pinanday ng pagsubok at tiyaga
hinuhuni ang hikbi at galit
ng higit 7,100 pulso
kipkip ang kwento ng
333 rosaryo
50 hamburgers
3 bote ng sake
at ang kundiman ng
magsasaka at lupa
repormismo at rebolusyon
batas militar at tokhang
pandemya at baha
layag-dayo at wasak-pamilya
tagni-tagni ang tugma’ t sukat
ng paglinang ng tanong ng panahon
hinahanap ang himig pauwi sa pagkakakilanlan
hinahawi ang hiwaga sa himala ng pambubulag
hinuhubog ang hamon ng dilat na kamalayan
at dahan-dahan
unti-unting titining
tataginting ang himig ng tulang
tutugis sa tutoo at tunay
Paano nga bang hinihinang
ang kaluluwa ng kataga
Tara nang tarukin
Chicago, 27 Abril 2026

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Leave a Reply