Isang Sipat sa Anting-anting ng mga Tagalog

Rebyu ni Ogot Sumulong

Itong bagong taong papasok, bigyan natin ng isang pagsipat ang mahiwagang paksa ng anting-anting na bahagi ng ating Filipino spirituality na di gaanong nabibigyan ng mabusising pansin ng karamihan. Kamakailan lamang, naging topic ito ng isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, isang kilalang GMA television show sa Pipininas. May pala-palagay na gumamit di-umano ng anting-anting si Andres Bonifacio laban sa mga Kastila. Natalakay rin ang pagkakaroon rin ng agimat si Emilio Aguinaldo mula sa isang kapre na nagpahaba ng kanyang buhay. Maging ang nagpundar ng Aglipayan Church na si Gregorio Aglipay ay nabalitaang may gamit na anting-anting na tawag ay tagabulag upang siya ay di makita ng mga kalaban ng panahong ng digmaan laban sa mga Kastila sa simula at di naglao’y laban sa mga Amerikano. May ilan ring mga bayani ang nabanggit sa nasabing episode na gumamit ng anting-anting at inakalang ang taglay ay agimat para di tablan ng bala sa giyera noong panahon ng Himagsikan.

Ang paniniwala sa anting-anting ay laganap di lamang sa Katalugan kundi man sa buong bayan. Ang paniniwala dito ay pamilyar na sa mga katutubo bago pa man sakupin ng Espanya ang ating kapuluan. May mga anting-anting sa kabisayaan, sa Mindanao at sa mga kabundukan sa Hilaga. Ngunit, ano nga ba ang paniniwala sa bagay na ito na mahigpit na nakakawil sa spiritual na aspeto ng Filipino identity? Ito ba’y isang kaalamang bayan na nagkaugat mula sa mga sinaunang paniniwalang spiritual ng ating mga ninuno na hinango sa kalikasan? Isa ba itong pamamaraan ng komunikasyon ng sa tinitingalang gabay tulad ng mga yumaong ninuno sa anyo ng mga anito o sa kinikilalang Bathala na lumikha ng mundo? Bakit buhay na buhay ang kultura ng anting-anting sa kasalukuyan?

Ilang kasagutan at marami pang mga mumunting butil ng kaalaman ang taglay ng aklat na pinamagatang Anting-anting  O Kung Bakit Nagtatago sa Loob ng Bato si Bathala mula sa masinop na pananalilsik ni Nenita D. Pambid na nalimbag noong 2000. Maraming pananaliksik, materyal, babasahin, sanaysay, panayam ang tumalakay ng paksaing ito. Malawak ang sakop,  maraming primary cultural materials at maraming butas sa kaalaman hinggil dito sa kasalukuyan sanhi ng kakulangan ng malusog na pag-aaral sa iba’t ibang lugar. Kaya nga, malinaw at maingat ang may-akda na bigyan ng bakod ang sakop at lawak ng kanyang pananaliksik. Unang-una, ang pag-aaral ng anting-anting ay mula at tungkol sa mga Tagalog lamang. Pangalawa, batay ito sa mga panayam ng may-akda sa isang manggagamot na spiritual o faith healer, sa isang naglalako ng mga anting-anting at sa isang gumagawa ng mga anting-anting. Pangatlo, batay rin ito sa mga aktwal na anting-anting na namalas mismo ng may-akda, mga ibinebenta sa Baclaran o Quiapo at mula sa koleksyon ng ilang museo at pribadong pag-aari. Pang-apat, batay rin ito sa pag-aaral ng mga simbolismo at ikonograpiya ng mga samahang mienaryo sa Bundok Banahaw.  At ang panghuli’y pagsasangguni sa mga akademikong panulat at disertasyon  sa mga nabanggit na milenaryong samahan. Dagdag rin sa pananaliksik ang sa libro, katalogo at babasahing tinatalakay ang esoterikong aspeto ng anting-anting na hindi agad-agad na nakakakuha ng kopya o dili kaya may kamahalan. 

Anting-anting, agimat at bertud

Una muna, ano ba ang anting-anting? Maraming tawag dito: anting-anting, agimat, birtud, galing, bato, gayuma, anib. Kadalasan, ang unang pumapasok sa isipan kapag narinig ang mga katagang ito, ito’y isang tansong medalyon na may sari-saring hugis at may nakaukit na mga pigura, guhit, simbolo, letra at salita na kadalasang nasa Latin. Ito ang kadalasang alam nating anting-anting na mabibili sa tabi ng simbahan ng Quiapo hanggang sa ngayon. Ngunit mayroon ding mga bagay tulad ng hibla ng buhok ng Black Nazarene, piraso ng telang ginamit sa bandila ng mga Katipunero, o mga semi-precious stones gaya ng garnet, citrine, quartz na inaakalang aakit ng suwerte, yaman o tagumpay sa sinumang may hawak nito. Ang anting-anting ni Valentin de los Santos para di siya at mga kasama niya na di tablan ng bala ay kanyang suot-suot nang nagsagawa siya at ang Lapiang Malaya ng kilos-protesta upang ipagtanggol ang karapatan ng mga magsasaka noong 1967. Sa kasamaang palad, siya’y napatay sa enkuwentro iyo pati ang ilan sa kanilang kasamahan. 

Bago dumating mga mga mananakop na Kastila sa ating pampang, may paniniwala na ang ating ninuno mula sa iba’t ibang parti ng kapuluan sa anting-anting bilang bahagi ng kanilang espirituwalidad o aspeto ng pananampalataya sa isang Maykapal, Bathala, Kabunian o Inifinito Dios. Ang mga anting-anting ay paraan upang mag-communicate ang mga espirito sa tao. At ganoon din ang kabila nito, ito nama’y epektibong pamamaraan upang kausapin, pagpugayan, alayan ng dalangin, hingan ng tulong o mabigyan ng proteksyon sa hampas at batok ng kalikasan tulad ng lindol, baha at tagtuyot. Binibiyayaan ng mga espiritu ang ilang piling nilalang na may di-karaniwang katangian sa kani-kanilang balangay. Sila ang mga datu, raha, bayani na nagligtas sa kami-kaniyang balangay o namuno sa pagdepensa sa digmaan, mga arbularyong nakapagpapadaling ng may sakit gamit ang mga halamang katutubo, o mga babaylan o katalonan na sinasapian ng mga espiritu para mamagitan sa diyos at tao.

Bahagi rin ng ispiritwal na paniniwala na may mga bato-balani sa mga espirito ang mga natatanging nilalang na ito. Pinagpala sila.  Biniyayaan ng kakaibang katangian tulad halimbawa ng kakayahang makipag-usap, makahingi ng tulong o proteksyon, mabigyan ng paraan para di makita ng kalaban o di tablan ng mga bagay na nakamamatay. Sila ang nagtaglay ng kasagutan, lunas o tagumpay at ginamit ang mga ito sa kabutihan ng mga mamamayang nila. Ang kanilang mga gamit o estatwa ay naging anyo ng kanilang pagpupugay, pagtanaw ng utang na loob, paggalang at pagnanais na makamit ang katangiang kanilang taglay ay naging simbolo, anyo at pinanghawakan upang makausap ang mga ito. Ang mga anito’t bulol sa Norte halimbawa ang marahil mga artifacts ng ganitong pagtingala sa kanilang mga ninuno. Naging sacred items ang mga ito at naging mahalagang bahagi  kalaunan sa mga ritwal ng pananalangin upang maging mataimtim ang communion sa kanila. Ang mga ito na di katagalan ay naging mga amulet, agimat  o tagabulag, ay mga dasal at pakiusap upang maharap ang alay at tadyak ng kalikasan. 

Anito at ang Dios Ama

Ayon sa mga pag-aaral sa anitismo sa atin, nang sinakop ng nga Kastila ang kapuluan gamit ang kapangyarihan ng kanilang mga armas, ginapi rin ang pagsamba ng mga katutubo kay Bathala sa lakas ng relihiyong Katoliko ng mga ito. Pinalitan ito ng katekismo at ng Holy Trinity na binubuo ng Dios Ama, Dios Anak at Dios na Santo Espirito. Ginamit ang wikang Kastila at Latin sa bokabularyo ng mga dalangin. At batay sa mga historical materials na sinulat ng mga prayle, tinagurian ng mga ito ang mga katutubong naniniwala sa binansagang paganong relihiyon,at kasama na rito ang paniniwala sa anting-anting, na masasamang tao at taliwas sa aral ng Katolikong relihiyon. Isang posibleng kaganapan sa ispiritwal na aspeto ng kulturang Filipino ay ang pagsasanib ng dalawang religious beliefs sa isa-isang anyo na maaring sabihing resulta ng tinatawag na syncretic religion. Obserbasyon ng isang yumaong akademiko na ang Dios ng mga katutubo at ang Dios ng mga Kastila ay iisa. Sa aklat ni Pambid, naglaan siya ng isang kabanata sa mito ng at simbolismo ng anting-anting at nagbigay ng konteksto ng pagkakalikha ng mundo, ang mga lumikha nito at ang kani-kanilang bahagi, kapangyarihan at kaalaman sa paglikha. Ang pag-angkop ng katutubong paniniwalang isperitwal sa Katolisismo at sa Panginoong Maykapal ay nagkaroon ng mga bagong anyo ng pananampalataya sa Maykapal/Bathala. Kapansin-pansin ang bokabularyong gamit ng mga aklat, dibuho at nakaukit sa mga medalyon na nilalaro sa tabi ng simbahang Quiapo, halimbawa. At maaaninag ang mga paniniwalang ito hanggang sa kasalukuyan sa mga samahang religious tulad halimbawa ng Suprema de la Iglesia del Ciudad Mistica de Dios na nakabase sa may Mt. Banahaw.

 Kung napansin ng may-akda na ang mga nabalitaang anting-anting na taglay ng ilang sa ating bayani ay ginamit upang kalabanin ang mga Kastila at ng mga Amerikano noong panahong ng Himagsikan, napuna rin niya, batay sa kalagayang panlipunan ngayon at sa obserbasyon ng mga taong may kaugnayan sa eco system ng anting-anting na kayang nakapanayam hinggil dito, marami pa rin ang naniniwala sa anting-anting upang matamo ang mga indibidwal o personal na pangangailan: suwerte sa negosyo, proteksyon sa kulam, gayuma para makilala ang magiging kadaupang-palad o ang tunay na pag-ibig ng buhay, makaahon sa kahirapan, mabigyan ng maayos na kabuhayan ang pamilya, maging matagumpay sa nilalayong makamit, manatiling malusog at maiwasan ang nakamamatay na sakit at yumanan para matulungan ang pamilya at kamag-anak. Subalit di basta-basta ang pagtatamo ng anting-anting. May mga hakbang ito na susubok sa tindi, lalim at lakas ng iyong pananampalataya sa espirito o Dios upang makamit ng galing na hinihiling. Sambit ng may-akda nang makapanayam niya ang ilang nagtataglay ng anting-anting na di sila nag hahanap ng patunay kung may birtud na ito o wala. Ngunit patuloy ang kanilang paniniwala sa bisa nito at ang tapat na pagpapanata na manatili itong nagbibigay biyaya sa kanila. 

Pamahiin at Panata

May mga puna at pahayag na ang paniniwala sa anting-anting ay bunga ng paniniwala sa mga pamahiin, ng kamangmangan sa kaalaman o ng kawalan ng pagsisikap umunlad at sa halip ay umasa sa isang ispiritwal na pamamaraan. Ngunit may ibang pagtingin si Domingo sa puntong ito. Isang pagsagot sa tawag ng panahon ang ipinakikita ng patuloy na panananpalataya ng mga naniniwala sa anting-anting. Ang korapsyon sa pamahalaan na kamakailan lamang ay naglantad ng garapalang flood controlled project scandals ay sanhi ng kahirapan kinalubluban ng mga karaniwang Filipino. Ang kawalan ng oportunidad upang magkaroon ng sapat na pamasahe, malusog na tanghalian sa trabaho, pambayan sa matrikula na hindi uutang in o pagsasawalang ng mina ang kwintas, ma-promote sa trabaho matapos ang labindalawang taong serbisyo at makatanggap ng malaking pasahod ay araw-araw na pakikibaka laban sa lumalaking halimaw ng kahirapan at korapsyon. At ang kanilang paniniwala at pananampalataya ng anting-anting at biyayang ipagkakamit sa kanila ang pag-asang nagbibigay-lakas sa kanilang harapin ang buhay tuwing umaga.

Kulang pa rin ng mga karagdagang pag-aaral, masinsinang pananaliksik at pangkawing nito sa pysche at spirituality na masasabing Filipino. Marami pa tayong nais mahalungkat na magbibigay liwanag sa paksaing ito. Mga kaganapan sa iba-ibang rehiyon at paghahambing sa iba-ibang kultura sa Timog Silangan. Malalimang pagsaliksik sa kasaysayan ng mga ito (tulad halimbawa ng impluwensiya ng Buddhism at Hinduism sa ating spirituality) bago pa mang dumating ang mga Kastila na umaagapay sa mga pag-aral sa antropolohiya, sosyolohiya, ekonomiya at kultura. Isang mahalagang ambag ang inalay ni Pambid sa ating kaalamang pambayan. Sa paglikom ng data sa material culture ng iba’t ibang anting-anting, ang pinagmulan, paggawa, pagpapaandar, pag-iingat nito at ang pagkipkip ng kaugaliang Tagalog nito,ito’y nagbibigay ng matibay na batayan, ng mapagkakatiwalaang tuntungan tungo sa mga susunod na pananaliksik sa hinaharap.

Bakit nga ba nagtago sa loob ng bato si Bathala? Sagot ni G. Prospero R. Covar sa kanyang Panghuling Salita, ang layunin ni Bathala ay “magpakilos at magpagalaw sa kalooban ng mananampalataya”.  Kung gayon, nasa atin na, nasa kalooban na natin ang minimithing anting-anting. Gigisingin na lang natin ito!

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.