isang sanaysay ni Ogot Sumulong
Masagana ang ani sa scholarship ng pambansang kasaysayan nang ipinagdiwang ng bansa ang 1896 Centennial of the Proclamation of the Philippine Independence. Marubdob na pananaliksik, malalim na pagtasa at pag-aral ng mga tinanggap na kaalaman at bagong kaisipan batay sa pagbabalik-aral at pagsuri ng mga manuskrito, aklat, memoirs, pahayagan, datos at marami pang pangunahing materyales na nagbigay-daan sa mga katangi-tangi’t naiibang panukala sa pagtanaw sa nabubuong pambansang kasaysayan ng bayan.
May kanya-kanyang perspektiba ang mga historyador batay sa kani-kanyang diin ng pagsusuri.
Ano ang pambansang kasaysayan ng Pilipinas?
Noong panahon ng mga Espanyol, karamihan ng mga nalimbag na aklat ay akda ng mga Espanyol at binigyang diin ang paglaganap ng Kristiyanismo at ang mga kontribusyon nito sa sibilisasyon ng mga katutubo.
Noong panahon ng mga Amerikano, ang diin ng mga American writings ay ang mga benepisyo ng American colonial rule sa Pilipinas tulad ng edukasyong pampubliko at pagtataguyod ng mga demokratikong institusyon. Nang ang mga Pilipino ang mga nagsulat naman ng kasaysayan, tila sumunod ang mga ito sa uso. Ang mga naratibong Pilipino ay batay naman sa perspektiba ng mga pangunahing persona sa politika at ekonomiya, gaya nina Quezon, Osmeña at Roxas, o dili kaya naman ng mga kaganapan sa mga pangunahing lungsod tulad ng Maynila. Nakaligtaan na yata ang ibang mga persona o kaganapan sa labas ng Maynila. O kundi man ay nabigyan ng munting pansin sa mga footnotes ng sanaysay.
“Genealogy or the study of family history is a neglected field of Inquiry in the Philippines.”
Noong 2001, isa sa mga nalimbag na aklat hinggil sa kasaysayang Filipino ay ang “A History of The Inartitulate, Local History, Prostitution and Other Views from the Bottom”. Sinulat ito ng yumaong Professor Luis Camara Dery, isang pinagpipitagang pangalan sa local history research kung saan karamihan sa kanyang akda ay pundamental na babasahin sa Philippine historiography.
Ang aklat na ito ay maituturing na isang historical analysis ng mga hindi naisali sa mga mainstream historical narratives gaya ng mga local history at ang mga taong bumuo ng mga kasaysayan nito mula nang sakupin ng mga Espanyol hanggang harapin ang mga dagok ng kalikasan at paglaban sa mga raids ng mga Moro sa mga coastal area para maitaguyod ang sityo o bisita o kabisera ng mga mamamayan, mga marginalized na grupo tulad ng mga kababaihan at ng mga hindi nabanggit sa mga written records tulad ng mga ilang katutubo.
Pananaw ng aklat na ito ang paniniwalang ang kasaysayan ng isang bansa ay hindi lamang nakabatay sa sentro ng politika at ekonomiya ng kasaysayan. Naiibang pananaw sa isang pambansang kasaysayang ang lente ng mga pinagdaaanan ng taumbayan sa pagsimula, pagtaguyod, pananatili at pagkilos upang maigpawan ang mga problemang hinarap ng kani-kanilang pook at ang pangangailangan ng pakikipag-ugnayan ng mga ito sa kani-kanilang karatig pook tungo sa pagbuo ng isang pambansang kamalayan at karanasan. Mula sa baba paitaas.
“… the history of Los Baños, Laguna reveals that the so-called Friar Lands were not really owned by the friars…”
Paniniwala ni Dery na nararapat bigyang pansin ng kasaysayan ang mga nagawa ng mga piling persona sa pambansang kalayaan at makabayang kakinlan. Ngunit ang pambansang kasaysayan ay binubuo ng mga mumunting kasaysayan, ng mga paksaing magkakaugnay-ugnay pero taglay ang kanya-kanyang katangian at mas malawak na nagtatala ng mga kaganapan tungkol sa mga sama-sama o kolektibong karanasan ng taumbayan sa kanilang panahon.
Ayon kay Dery, sandakmang dokumento ang mga nakatago sa mga talaan at repositories na may mga pangunahing materyales na di nagagamit o hindi nabibigyan ng karapat-dapat na pagsusri ng mga datos na taglay nila na maaaring magbigay ng liwanag o baguhin ang nakalakihang pang-unawa ng pambansang gunita.
Gaya halimbawa ng geneology o ang pag-aaral ng family history sa Pilipinas. Isang colonial policy ng mga Espanyol ang itala ang pangalan ng mga katutubong pamilya at ng mga naghaharing-uri na naglingkod nang matapat sa kolonyang na pamahalaan.
Mula sa mga talaang ito, maiuugnay ng mga inapo kung sino at saan ang kanilang mga ninuno bago pa mang masakop ito ng mga Espanyol. Makikita dito na may masalimuot na relasyon at koneksyon ang mga katutubong ruling families sa mga ruling families ng Mindananao, Sulu, Borneo at sa iba pang mga bansa sa Timog Silangan. Isang halimbawa nito ay ang napatunayang koneksyon ni Rajah Matanda ng Maynila nang dumating si Legazpi noong 1571 mula Cebu sa Sultan ng Borneo. Siya pala ay apo nito at commander-in-chief ng naval forces niya. Sa hinuha ni Dery, isa ito sa mga larangang di nabibigyan ng halaga o pansin sa pag-aaral o pagsasaliksik.
“The Philippine National Archives alone contain some 15M rare documents of various subjects and only a small portion …… are studied by students of Philippine history”
Ano ang “pistaym prosperity”?
Pinabulaanan ng isa sa mga sanaysay ni Dery paniniwala ng karamihan tungkol sa “pistaym prosperity” noong panahon ng mga Amerikano. Tutoo na ang daming mga tulay, kalsada, paaralan, gusaling pangpamahalaan ang mga nagawa. Pero ang mga ito ay ay may kaugnayan sa free trade agreements ng Pilipinas sa America.
Walang tariff ang bawat panig kaya’t walang humpay ang daloy ng mga produktong angkat ng America at ang bansa nama’y tuwang-tuwang sa mga produktong-luwas tulad ng asukal, kopra, abaka at tabako na di nagkataon ay kinorner ng Amerika kaya kontrolado ang presyo ng mga ito.
Natali ang currency ng bayan sa palitang 2 piso sa isang dolyar. Mura ang halaga ng bilihin pero mura rin ang labor cost o sahod ng mga Pilipino noon. Ang kadahupan sa buhay ay laganap sa labas ng Kamaynilaan.
Ayon sa mga censuses at estatistika na nahalungkat sa public records, malaking porsyento ng taumbayan ay kaugnay sa lupa para magtanim ng mga produktong pangluwas. Ang kaunlaran dulot ng pamahalaang Amerikano ay kaunlarang para sa mga dahuyang investors gaya ng mga Amerikano at Tsinong mangangalakal, sa mga politiko na kasosyo ng mga dayuhan, mga Espanyol-Filipino na nagmamay-ari ng mga korporasyon, bangko at pabrika, at mga Filipinong panginoong-maylupa.
Ang taumbayan ay hindi nakinabang sa kaunlarang ito. Bagkus, lalo pa silang nalulong sa kahirapan dahil sa epekto ng di pantay na kalakarang pangkalakal. Ilang bunga ng pagkakakulong ay ang pagbagsak ng kanilang kalusugan, kawalan ng pagkakataong sa pampublikong edukasyon, kamangmangan sa mga kaalamang maka-agham, batas, wikang Ingles, balita at kultura.

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Leave a Reply