Isang sanaysay ni Ogot Sumulong
Noong Pebrero 1994, ipinalabas sa CCP Tanghalang Francisco Balagtas (dating Folk Arts Thearter) ang dulang sinulat ni Rene O. Villanueva na pinamagatang Kalantiaw: Ang Kagilagilalas na Kasinungalingan Tungkol sa Isang Kayumangging Bayan (Kalantiaw: The Most Astonishing Tale of Falsehood About the Brown People). Tungkol ito sa buhay ni Jose E. Marco at ang pagkakagawa ng pekeng Kalantiaw Code. Sapantaha ni Villanueva sa dula na may marubdob na pagnanais si Marco na magkarooon ng dakilang nakaraan ang Filipinas kaya’t pinunan niya ang mga siwang at butas sa ating kasaysayan ng kanyang mga kamangha-manghang katha.
Naging opisyal ang pagtingin sa Kalantiaw Code bilang isang pekeng dokumento nang aprobahan ng Pangulong Arroyo noong 2005 ang isang resolution na binalangkas ng National Historical Institute sa pangunguna ng historyador na si Ambeth Ocampo. Dineklara nito na ang kodigo ay walang batayang pangkasaysayan at ito’y likha lamang ni Marco. Binawi rin ng resolusyong ito ang paggagawad ng Order of Kalantiaw sa mga katang-tanging hukom at pinangangaralang dignitaryong dayuhan.
Pero Paano Nangyari Ito?
Medyo balikan muna natin ang mga panahong bagu-bago pa ang Amerika sa Pilipinas. Katatapos-tapos lang ng Filipino American War. Abalang-abala ang mga Kano sa pagpapatayo ng istrakturang magpapatatag ng puwesto nila dito. Isa na rito ang Philippine National Library sa pamumuno ni James Alexander Robertson. Si Robertson ay pamilyar sa Filipinas dahil isa siya sa mga sumulat, nagsalin at naging patnugot ng The Philippine Islands, 1493-1898 kasama ni Emma Blair.
Sumulat si Marco kay Robertson noong 1911 na nagsasaad na may mga manuskrito siyang nakasulat pa sa balat ng puno na precolonial. Pinatunayan naman ng huli na totoo ang mga ito. Sa National Museum pa nga inilagak ang mga ito. Kaya nga lang, naglaho sa abo ang mga ito noong Battle of Manila noong 1945. Noong 1914, inalay ni Marco bilang abuloy sa Philippine National Library ang limang manuskritong precolonial. Kasama rito ang Code of Kalantiaw na nabuo di-umano noong 1433 ni Datu Kalantiaw at mukhang umaayon sa isa sa mga alamat ng Maragtas, isang katipunan ng mga alamat at kuwentong bayan ng kapuluan ng Panay at sinulat ni Pedro Monteclaro noong 1907. Sinalin ang mga ito ni Robertson sa Ingles at nalathala sa iba’t ibang pahayagan, aklat at journal sa akademya. Nagsilbi itong karagdagang pag-uulat ng mga Amerikano sa kanilang Philippine Studies. Mula doon, naging laganap ang paniniwalang awtentiko ito dahil sa pagkakatanggap ng mga Amerikanong politiko, militar at akademiko. May mga pagdududa na sa katunayan nito noon pa man ayon sa isang akda ni Gloria Cano sa Philippines Studies noong 2008, pero may kadahilanan sila ni James A. Leroy (naging direktor siya ng The Philippine Islands, 1493-1898 magmula volume 6 hanggang volume 55) para di pansinin ang mga alinlangang ito. Nagsilbi marahil ang mga pekeng manuskritong ito na ebidensiya ng magwasak ng Espanya sa mga katutubong institusyon at kaugalian gaya nang nangyari sa Latin America at naipakita na naroon ang mapagkawangggawang Amerika para tulungang maibalik ang mga iyon.
Kung tutuusin, di lang itong kodigo ang mga nilikha ni Marco. May mga akda siya tungkol sa mga alamat ng mga pook, mitolohiya ng mga halaman at mga kuwentong bayan noong mga 1940. Gumawa rin siya ng isang manuskrito hinggil sa representasyon ng mga Filipino sa pagkakabuo ng Capiz Constitution na naganap noong 1812 (na nagtatag ng constitutinal monarchy na may parliamentaryo system sa Espanya). Noong mga dekada 1960’s, may natagpuan daw siyang 45 akda na sinulat ni Padre Jose Burgos, isa sa tatlong martir na binansagang GomBurZa. Isa na rito ang nobelang Loba Negra na tinalakay ang pagkakapatay ng repormistang Governor-General Francsico Bustamante noong 1719 sa kamay ng mga korap na prayle at ang paghihiganti ng kanyang asawa na tinaguriang La Loba Negra.

Ang Resibo ng Kasinungalingan
Sa una, bilib ang bibliographer, iskolar at book collector na si Mauro Garcia sa mga piyesa na inalok at binili niya mula kay Marco noong mga dekada 1950’s. Pero unti-unti’y nagduda na siya sa pagiging tunay at sa mga pinanggalingan ng mga akda ni Marco. May higing na siya na mga imbento lamang ito ni Marco pero kahit anong pagsisiwalat ang gawin niya’y tila walang nagaganap upang iwasto ang pagkakamaling ibinubunga ng pekeng dokumento.
Sa tutoo lang, di lamang namang siya ang bumili sa mga inilalako ni Marco. Bukod kay Robertson, may mga notable institutions tulad ng University of Chicago Philippine Studies Program, ni Luis Ma. Araneta na may-ari ng halos lahat ng pekeng akda ni Padre Burgos, kasama na ang nobelang La Loba Negra, at maging ang anthropologist na si H. Otley Beyer ang napaniwala ni Marco sa kanyang mga kathang-isip. Kaya hinikayat niya ang kakilalang Amerikanong iskolar na si William Henry na magsaliksik sa paksang ito. At noong 1969, sa kanyang panandang-batong aklat/dissertation na pinamagatang Philippine Source Materials for the Study of Philippine History, pinatunayan ni Scott na pulos hoaxes at peke nga ang mga akdang inilako ni Marco dahil walang katibayan o patunay siyang makita sa mga pahayag at detalyeng taglay sa mga imbentong dokumento’t manuskritong ni Marco.
Nagkaroon siya ng pagkakataong mabasa ang mga sulatan ni Marco at ng University of Chicago Philippine Studies Program hinggil sa nakadududang pinanggalingan ng mga akda. Hinagilap niya ang mga nilista ni Marco namga pangunahing materyales, manuskrito, aklat at lugar na pinanggalingan ng kanyang paksa ngunit lumabas na ang mga ito ay bunga lamang ng malikhaing imahinasyon ni Marco.

Problema at Pamana ni Jose E. Marco
Napatunayan ni Scott sa harap ng mga dalubhasang historyador ang pekeng Code of Kalantiaw ni Marco. Pero noong 1971, pinamulaanan ng pamahalaan ang paggawad ng Order of Kalantiaw sa mga mamamayang katangi-tangi at karapat-dapat sa pamamalakad ng katarungan at sa larangan ng batas. Noong 1978, isang 30-sentimos na selyo ang inilabas bilang pagpupugay kay “Rajah Kalantiaw”. Hinintay pang dumating ang 2005, mahigit na siyamnapung taon ang nakalipas, bago lumakas ang kumpanya na iwasto ang pagkakamaling ito.
Marami pa rin ang di nakababatid ng katotohanan na peke ang kodigo. Marahil, walang malay na pagtatangkang iwasto ang kaalamang ito sa mga teksbuk sa mga paaralan. Maaaring sa loob lamang ng garing na tore kalat ang paksang ito. Sa ilan, kumakapit sila sa paniniwalang alamat nga ang mga ito ngunit sila ay may bahid ng katotohanan at malalimang pagsasaliksik pa ang kailangan, tulad ng mga taga Batan, Aklan na tinanghal na national shine dahil sa paniniwala sa alamat ni “Rajah Kalantiaw”. Maaaring ang tingin nila dito sa pagbawi ng status at pagkawala sa mapa ng mga makasaysayang pook ay isang bahid sa karangalan ng kanilang bayan.

Sino ba si Jose E. Marco? Misteryo ang mga detalye ng buhay ni Marco. Iba-iba ang mga petsa at lugar ang nasimot sa pakikipanayam sa kanya. Ipinanganak siya sa bayan ng Marayo, Negros na ngayon ay Pontevedra, Negros Occidental. Nang pumanaw siya noong 1963, di matiyak kung ipinanganak siya noong 1866, 1877 o 1886. Nag-aral daw siya sa Ateneo Municipal de Manila at sa UST pero wala naman daw makitang record na mga pamantasang nabanggit na nagawi siya doon.
Ayon sa ilang ulat, naging guro siya, postmaster, kalihim ng isang aklatan, tagasalin/klerk ng isang korte sa Bacolod. At naging pangulo ng isang samahan ng mga kolektor ng selyo. Marahil, sa mga karanasang ito nahubog ang kanyang galing at kasanayan upang makumbinsi o malinlang ang dunong at husay ng mga dalubhasa.
Maligalig at malikhain ang imahinasyon ni Marco. Inimbento niya sa Kastila ang kasaysayan ng Negros bago dumating ang mga Espanyol. Nakapaglikha siya ng account ng Burgos trial at ang nobelang La Loba Negra. Ayon sa isang ulat, ang kanyang mga likha ay krudong-krudo, puno ng anakronismo, salungatan at kamalian. Gumamit siya ng mga salita sa kanyang mga pekeng dokumento na hindi pa ginagamit sa panahon ng kanyang paksa. Marahil ang mga lamat ng posibleng katotohanan ang nagbigay pansin para pagdudahan ang kanyang mga likha. Pero ito rin marahil ang rahuyo ng mga ito sa mga kolektor, historyador, antropolohista at mga iskolar.
Wag Paloko sa Manloloko
Ngunit may iniwanang turo si Marco sa atin ngayon. Inabot ng mahigit limampung taon bago napatunayang peke ang Kalantiaw Code, pero may matatag na resibo ang nahukay sa baul ng kasaysayan. Patunay na nagpawasto sa pagkakalihis ng landas tungong pambansang kakilanlan.
Nakalap at nalikom ang mga ebidensiyang batay sa mga pangunahing materyales, ulat ng mga saksi sa pangyayari, sa kaganapan ng iba’t ibang pangyayaring nagpatunay ng na peke ang mga Kalantiaw documents. Resibo laban sa mga kasinungalingan.
Kaya ang pamana ni Marco ay ang masidhing pag-iingat natin sa mga kuwentong lumalabas at humuhuli ng ating mga atensyon. Lalo na ngayong namumukadkad ang disinformtion, misinformation, malinformation, gaslighting, ghosting, behavioral surveillance sa social media at mass media.
At sa tulong pa ng artificial intelligence, di kataka-taka na may mga mas mahusay, mas marunong na Jose E. Marco na lilikha ng kamangha-manghang magic act na magpapalabo ng ating pag-unawa sa mga alamat at pabulang malilikha nila para ilihis tayo tungo sa sulok at tagiliran ng ating butas-butas na kasaysayan. Ituloy pa rin natin ang ating paglalakbay sa hinaharap, gabay-gabay ng nakalipas.
Pero pag mangyayari muli ang ganitong kabanata, kakailanganin natin ng maraming resibo para di tayo maligaw muli. Gaya halimbawa ng mga kaganapan noong panahon ng diktadurya ni FM o ang krusada laban sa droga ni Duterte. Mukhang nababaligtad ang puti sa itim, ang mabuti sa masama, ang tapat at ang magnanakaw. Kaya, ingat lang. Maghanap ng matinong pruweba, ng resibo.
Sabi nga ng Lakambini ng Katipunan, “Matakot sa kasaysayan. Walang lihim ang di nahahayag.”

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.
Leave a Reply