Ang Ekis ng Tatlong Manunulat

Isang rebyu ni Ogot Sumulong

Sa kasalukuyan, aktibong-aktibo ang pagsusulat ng panitikan sa wikang Filipino. Maraming aklat sa sari-saring genre tulad ng horror stories, science fiction, thriller, fantasy, mystery ang nalilimbag taong-taon. Madalas ang mga palihan na nagpapasigla ng pagsasanay sa pagsulat. Hindi nagkukulang ang bilang ng mga paligsahan na nagpalulusog sa paglikha, paglikom at pag-aaral ng mga rehiyonal at pambansang panitikan.    

      Kaya nang nakatanggap ng sipi ang abang lingkod ng kalunsad-lunsad kamakailan lang ng “Ekis: Noon at Ngayon”, laking galak ko dahil ito na yata ang pinakahuli akdang panitikang Filipino ng taong 2024.  Kalipunan ito ng mga akda ng tatlong manunulat na sina Eli Rueda Guieb III, Rolando Fulleros Santos at Abet Umil. Magkakaibigan silang tatlo. Lahat sila’y may kamalayan sa kalagayang ekonomiko at politikal ng bayan. Lubog sa samu’t saring gawain ng pakikisangkot upang itaguyod ang makataong karapatan ng mga mangggawa, magsasaka’t mangingisda. Gayunpaman, ang mga ito ay karaniwang mamamayan na nagtatrabaho at  may mga pamilya. Gumulong sila sa mga iba’t ibang palihan at pandayan sa malikhaing pagsusulat. Kapwa naging kasapi ng sari-saring samahang pampanitikan. Bawa’t isa’y beterano’t premyadong manunulat. Kaya ang aklat na ito ay katangi-tangi.

 “Bakit Ekis? Bakit hindi Tatlong Itlog Da Kambak?  O kaya’y Trying Harder Three Decades After?”, ang tanong ni Rolando Fulleros Santos na kilala sa palayaw na Olan. Puwede ngang tingnan ito bilang isang salita o isang imahe. Kung salita, maaring ang ibig sabihin nito’y dati na o out na talaga. O maaaring marka sa pagsagot o pagpili kung ayaw o gusto sa isang pagsusulit o listahan. Puwede itong imahe o pananda sa puwesto ng patutunguhan o amba ng patatamaan. Maaari rin namang mangahulugan ito’ng isang sangangdaan sa harap ng iba-ibang landas. At ang mga akda ng tatlong manunulat sa aklat na ito ang nagtatangkang magbigay-liwanag, kundi kasagutan, sa tanong ni Olan.

Ang mga Posibilidad ni Eli Rueda Guieb III

Sa kanyang pambungad na sanaysay (“Walang New Normal: Pagtungkab ng mga Salansan ng mga Inkomposibilidad”) sa  koleksyong ako, eli g., ipinaghayag ni Eli ang kanyang pananaw-buhay batay sa maligalig na ugnayan ng realidad at posibilidad ng mga kaganapang mag-uusad sa makatarungang lipunan. Ang lahat o ilang bahagi ng mga posibilidad ay laging nakaabang at handang bumuo ng pakikipag-ugnayan sa realidad. Kaya’t ang nagbabagong realidad ay laging aantabayanan at di nararapat na ipagpaliban ang pagkikibahagi upang makamit at maganap ang ninanais na posibilidad.  Dahil sa ganitong kalakaran, may pangangailangang makisangkot sa pagpapapalit ng nalalambungang realidad sa iba’t ibang plataporma at genre.  

Sa kalipunang ito, gumamit si Eli ng iba’t ibang anyong pampanitikan tulad ng mga dagli, dulang pangradyo, dulang pantelebisyon, kuwentong pangkomiks,  kuwento at sanaysay. Paksa ng mga ito ang iba’t ibang antas at tindi ng damdamin tulad ng lumbay at pagtanggap ng pagkawala, paghahanap sa sariling kakinlan sa gitna ng masalimuot na kontemporanyong pamumuhay, paggunita sa kapalaran at buhay ng mga biktima ng kawalang karapatan sa lupa. Bawa’t isa’y may kuwentong taglay subalit kapag pinagkawing-kawing mo ’y nagpapadama sila ng hapdi at lungkot ng sanlibo’t isang tapyas ng pagtangis. Sa likod ng mga damdaming tinukoy ng mga kataga nito ay ang panlipunang kalagayang sanhi ng katayuan ng mga persona sa kanyang mga akda. Mga sari-saring personang may kanya-kanyang pagsipat sa tadhanang taglay.

Ang mga Bintana ni Rolando Fulleros Santos

      Binuhay ang hiwa at hapdi ng daup na pamumuhay ng mga maiikling kuwento, tula, kuwentong pangkomiks, dulang pantelebisyon at sanaysay ni Olan sa katipunang TK859136 Atbp. Inilarawan ng iba-ibang persona at punto-de-bista ng kanyang mga karakter ang unti-unting pagkawasak ng pagkatao sanhi ng matinding kahirapan. Tulad istorya ng pagbulusok sa sirkulo ng pagkalugi ng isang matandang may-ari ng tindahan sanhi ng mga nag-usbungang 7-11 sa Sari-sari. O sa pagsilip sa mundo ng mga isang-kahig, isang-tukang pamumuhay sa lente ng salaping papel na nagpalit-palit ng may-ari sa TK859136Taglay nila ang paglilimi sa mga gatla at kalyo ng mga maralitang tagalunsod, manggagawa at napariwarang kabataan.  Mapagmasid at lubog sa karanasan ng mga biktima ng panlipunang problema si Olan, sa mga suliraning bumubulabog ng matiwasay na pamumuhay tulad ng tokhang, military criminal syndicate, sexual abuse, child neglect, kakulangan ng apurtinidad sa edukasyon at isyu ng mental health. 

  “Ang Punto sa Ekis” ang panimulang sanaysay ni Olan sa kanyang koleksiyon. Dito niya ipinahayag ang mga kursong napag-aralan niya sa “pamantasan ng lansangan”. Kayod at gapang ang pinagdaanan niya para makabahagi sa pagsangkot kaalinsabay ng paninindigang makapagsulat sa ikasusulong ng demokratikong adhikain. May mga pag-aalinlangan, panghihina ng kalooban, panghihinayang at pagtatasa ng pananaw siyang pinagdaanan. Sinukat siya ng mga ulos at unos bunga ng mga kaganapang pulitikal. Pinaghugutan niya ang mga ito sa pagsasalarawan ng sanhi ng mga salot ng lipunan. Gayumpaman, isinalaysay niya ang paninimbang sa pakikisangkot sa makataong akhikain, paghahanapbuhay para sa pamilya at ang katapatan sa bokasyon ng pagsulat. Dito rin niya ipinahayag ang hamon hindi lamang sa kanyang mga kasamahan sa isang samahang kuwentista kundi sa mga manunulat sa pangkalahatan na itaguyod ang isang pambansang panitikang nakatutok sa makatao’t demokratikong lipunan. 

Ang Angas ni Abet Umil

Iba ang dating ni Abet Umit (“Abet”) sa kanyang koleksyon ng mga maiikling kuwento, daglı, dulang pangradyo, kuwentong pangkomiks, tula, salin at sanaysay na akmang-akmang titulong “Katambal”. Sa kanyang pangunahing sanaysay, na pinamagatang “Pagtatanghal ng Akda at Kamalayan”,  masinop niyang isinalaysay ang kanyang paglalagalag sa iba’t ibang pook at trabaho, paglalayag sa dalumat at diwa ng makabago sensibilidad at pakikisangkot sa mga adhikaing makatao at makatarungan. Sa gitna ng mga ito, masikhay ang kanyang paghahanap sa kaugnayan ng eksistensiyal na sarili sa post-colonial na lipunan sa kulambo ng kontempranyong panahon upang mabuo ang isang mulat na nilalang. Maigting ang kanyang mga  tula sa mga pasikot-sikot ng panimdim. Tinalakay ng kanyang mga dulang pangradyo at kuwentong komiks ang panlipunang sakit na sumisikil ng pag-asa ng mamamayan. Ang kanyang mga dagli ay paraw na papalaot sa agam-agam at katanungan ng kanyang mga karakter.

 Sa paghanap ng kontemporanyong manunulat bilang mulat na nilalang, hinalungkat niya ang baul ng wika upang buhayin ang bukabolaryo ng hiraya at haraya sa pagsusulat, binaybay ang dalampasigan ng masalimuot na dalumat ng kasaysayan at dahuyang diwa, at pinanday ang istilo ng pagsusulat na bunga ng salpukan ng post-colonial na lipunan at maligalig na kamalayan batay sa kanyang realidad at kalatas ng agham. 

Ang Sangangdaan ng Manunulat

Matapos tumakbo sa Hawaii ang dating diktador at naluklok sa puwesto ang kauna-unahang babaing pangulo, nagkaroon ng democratic space sa bayan simula ng unang bahagi ng dekada otsenta.  Umalingawngaw mula sa mga manunulat ang mga paksa tulad ng aktibismo, trauma ng diktadurya, panlipunang kritisismo at paghahanap ng kakilanlan bilang Filipino. 

     Ilang dekada ang rumagasa sa ating binubura o binabaligtad na gunita at ngayon, taglay ng kasalukuyang salinlahi ng mga manunulat ang matalim kasangkapan o mabalasik na arsenal ng pagsaksi, pagtasa at paghanap ng landas sa ikasusulong ng panitikan ng bayan. Maalam sa kaganapan sa loob at labas ng bansa. Bantad sa sandakmang kaisipang Kanluranin at bihasang iangkop ang sari-saring bahagi ng mga ito upang maiugma sa kalagayang panlipunan. Maraming binuwag na paniniwala at gawi ang realidad ng batas militar.  Dumaloy ang mga kritikal na lenteng post-modernista na nag-ambag ng bagong pagsuri at pagsipat sa ating paligid at palagay.  Patuloy ang paghahanap ng kapalit sa tinalikdang katotohanan at panis na paniniwala. 

Ang tatlong manunulat dito ay ilang sa mga kumakatawan sa bagong salinlahi. Masugid na gumagamit ng samu’t saring anyo ng panitikan upang ibalik ang manunulat sa kanyang mambabasa. Ang sining ay ibalik na naglilingkod sa bayan. Inaalam, ginagamit ang iba’t ibang plataporma. Sa kanila, ang panitikan ng pakikisangkot ay isang mapa. Maraming landas ng maaring tahakin, maraming salansan ng posibilidad ang aalamin, maraming kaugnayan ang buuin at maraming kuwento ng pamimili ang bubunuin. Pero may patutunguhan.  At bilang sagot kung bakit ekis? Kasi, mukhang nalalaman na natin kung nasaan na tayo sa ating kasalukuyang kalagayan. X marks the spot!        

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Comments

2 responses to “Ang Ekis ng Tatlong Manunulat”

  1. Natasambahan ko, ngayon lang, itong rebyu ninyo.

    Maraming salamat sa interes ninyo sa Panitikan ng Pilipinas.

    “X marks the spot”, was the intention. D’yan po nagsimula ang brainstorming bago umakda at tipunin ang mga dati nang nasulat na akma sa tema.

  2. Eli Rueda Guieb III Avatar
    Eli Rueda Guieb III

    Maraming salamat, Ogot, sa pagsusuri mo sa aming aklat na “Ekis.”

    Oo, pagmamarka ito sa mga eksakto naming paglulugar ng sarili at sa maraming uri ng ekis at pag-e-ekis.

    Muli, taos-pusong pasasalamat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.