Mga Obra Maestra sa Simbahan ng Paete

ni Ogot Sumulong

Isa sa mga nakagagawiang biyahe kamakailan sa Pilipinas ay ang bisita-iglesia. Kaya nang nagyaya ang pamangkin kong bumiyahe kami sa Rizal at Laguna, hindi ko na inalintana na simulan ang araw nang bandang alas singko media ng umaga.  Isa sa mga dinalaw namin noong araw na iyon ay ang simbahan ng Paete. 

Simbahan ng Paete

Kilala ito bilang St. James the Apostle Parish Church at naitatag ito noong 1580 ni Prayle Juan de Plasencia (kilala siya bilang may-akda ng Doctrina Christiana na tinuturing na kauna-unahang librong nalimbag sa Pilipinas) pero dahil sa mga sakunang panlikasan, ilang beses itong nabuwag at muling binuo. Ang simbahang ito ay tahanan sa mga ilang di matatawarang kayamanan ng Paete, Laguna. Kilala ang simbahan sa stone carving ni Santiago Matamoro sa facade nito, ang mga inukit na poon na bahagi lagi ng mga prusisyon sa Paete, ang mga inukit na stations of the Cross na dinarayo lalo na sa Semana Santa at ang katangi-tangi nitong retablo na tinatampok ang mga nililok na Blessed Virgin Mary, Hesukristo at mga santo.  

Nguni’t may isa pang kayamanang taglay ang simbahan. At ito’y ang apat na malalaking murals na nakasabit sa mga haligi nito. Tatlong mural ang nakapuwesto sa malapit sa pintuan at ang isa ay nakaluklok sa kanang trancept ng altar. Dahil sa kamangha-manghang kasaysayan ng mga ito, isinama sa listahan ng National Cultural Treasures ang apat na paintings na ito noong 2015 at binansagang silang “Sacred Art of the Parish Church of Santiago Apostol (four paintings in situ)”.

Ang kuwento ng Dalawang San Cristobal

Pagpasok mo sa pintuan ay makikita mo sa kaliwang haliging bato ng simbahan ang dalawang magkatabing larawan ng San Cristobal, ang patron ng mga manlalakbay, parehong karga-karga ang batang Hesukristo sa kanyang balikat habang tumatawid ng ilog. Tagurian natin ang isang mural bilang Spanish San Cristobal. Maputi siya kasi at matangos ang kanyang ilong. Makisig at mabigkas ang kanyang pangangatawan. Wooden boards na pinagdikit-dikit ang materyal na ginamit sa pagpinta. Nang nakita ang napabayaang kalagayan ng inaanay na mural, marami ang nag-alala at kumilos upang sagipin ang makasaysayang painting na isa palang likha ng isang taal na Paetenyo na si Josef Luciano Dans (1805-ca. 1870). May mga ulat na ito ay pininta ni Dans noong 1852 bilang komisyon ng mga prayle. Nang ibinaba ang Spanish San Cristobal para simulan ang pagsagip sa kalagayan nito, natunghayan ng mga konserbador na may isa pa palang mural sa ilalim nito. At doon, makalipas ng mahigit na isang dantaon, muling nasilayan ang Indio San Cristobal. Isa itong obra na nakapinta sa haliging bato ng simbahan. 

Maraming kuro-kuro hinggil sa nangyari dito, kung bakit at paano napailalim sa Spanish San Cristobal ang Indio San Cristobal (parang kasaysayan natin, ano?). Ayon sa pagkakaalam ng karamihan, ang Indio San Cristobal na napinta ng isang katutubo sa haligi noong bandang 1780’s. Mukhang kayumanggi ang komplikasyon niya, di matangos ang ilong, banat ang katawan, may kasuotang katutubo at may sukbit na espadang naiiba ang hugis. Mukhang may pagtatangka ang di-mapangalanang pintor na iangkop sa lokal na pagsasalarawan ng reliheyosong imahen nang nilikha niya ang Indio San Cristobal. At sa loob ng mahigit limampung taon,  ang Indio San Cristobal ay bahagi ng pang-araw-araw na tanawin sa loob ng simbahan. 

Pero noong mga 1850’s, marahil dahil sa wala na ng galleon trade nang naghimagsik ang Mexico laban sa Espanya, o dahil pumasok na sa mga pantalan ng Spanish colonial Philippines ang iba’t ibang bansa gaya ng Amerika at Britanya para sa kalakalang pang-daigdig, o marahil dahil bumilis ang pagbiyahe sa Espanya nang simulang dumaan sa bagong bukas na Suez Canal noon, o maaaring nagbago ang ihip ng hangin sa iba’t ibang parokya sa Pilipinas dahil may mga yumanang mga mangangalakal lalo na sa asukal, abaka at kape.

Ang mga ito o ang mga anak nito ay nakapag-aral sa Maynila at sa ibang bansa na rin. O puwede ring nalantad sila sa mga bago, makabago at dahuyang kaisipan at pulitika. Dahil dito, may mga katulad ni Jose Luciano Dans na naging bihasa sa pagpipinta at marahil naging kilala sa mga prayle tulad ng nangyari sa kanya sa Paete, Laguna. Kinomisyon daw siya ng mga ito na gumawa ng mestisong San Cristobal. Ayon sa mga ulat na natunghayan ko sa Internet at sa YouTube, di raw nila gusto ang Indio San Cristobal kasi di siguro sang-ayon iyon sa kanilang paniniwala kung ano ang hitsura ng mga santo noon. Ang Spanish San Cristobal na likha ni Dans ang pinatong sa Indio San Cristobal. Isang mabuting bunga nito para sa nakatagong mural, napreserved ang kondisyon ng Indio San Cristobal at nang nasilayan muli nito ang araw makalipas ang mahigit na tatlong dantaon, nagbigay liwanag ito sa isang kuwento kung ano ang naghaharing estetika ng mga kolonyalistang noon. Mahirap malaman kung ano nga talaga ang nangyari. Kailangan siguro maghanap pa ng resibo, pagbuhusan ng pananaliksik sa mga ganitong pagkakataon.

Ang Langit at Impiyerno ng Paete noong 1850’s

Ang mga prayle ang nagpasimula ng tradisyon ng pagpipinta sa Pilipinas pero hindi para sa sining kundi para sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa mga nasasakupan ng Espanya dito sa Pilipinas. Di naglaon, ang mga nakapag-aral na pintor ay nagsimulang magpinta ng mga larawang tinaguriang sekular o di-reliheyoso, tulad ng mga “Tipos de Pais” ni Damian Domingo noong panahong tinayo niya ang kauna-unahang painting school sa bansa noong 1821.  Pero sa mga lugar tulad ng Paete, Laguna, malalim ang pagkaka-ugat ng mga piyudal na turo ng mga prayle sa ispirituwal na pananaw ng mga katutubong Pilipino. Dalawang obra ng simbahan ng Paete ang nagsasalarawan nito.   

Ang ikatlong mural na nasa kanang haligi ng simbahan ay ang ikalawang likha ni Jose Luciano Dans dito. Gaya ng Spanish San Cristobal, pininta ni Dans noong mga 1859 itong mural na pinangalanang “Langit, Lupa at Impiyerno” sa mga pinagdikit-dikit na wooden board.  Malakas ang naratibo ng Kristiyanong katekismo dito na ayon sa mga prayle noon. Materyal na pagpapahayag ito ng lagay ng ating kasaysayan, kaisipan at kakayahan batay sa pananampalatayang na ikilkil sa kamalayan ng bayan natin noong panahon ng mga makasaysayang pagbabago sa lipunan gaya ng pagsiklab ng Cavite Mutiny at paggarote nina GomBurZa noong 1872.

Huling Paghahatol

“Juicio Final” o “Huling Paghahatol” ang bansag naman sa ika-apat na mural sa simbahan. Di mo siya agad makikita sa loob. Nakaluklok siya sa kanang sulok ng harapan ng simbahan. Medyo tago siya. At mataas ang kanyang pagkakasabit sa haligi. May naniniwala na dahil iba ang iconography sa painting na ito kaysa kay Dans, ito ay mas matanda ang pagkakapinta kaysa sa Spanish San Cristobal at mukhang gawa ng isang katutubong pintor noong bandang 1720’s. Anu’t ano pa man, ipinakita nito ang nangingibabaw na pananaw sa mundo ng mga Filipino noon sa mahigpit na pangangasiwa ng mga prayle bago ang madugong himagsikan laban sa Espanya noong katapusan ng ika-19 dantaon.  Sa tutoo lang, hindi malinaw kung bakit tinawag na “Juicio Final” ito dahil narito ay ang larawan ni San Francisco de Assisi ito habang ginagampanan niya ang pagliligtas ng mga kaluluwa.

Ang rahuyo ng bisita iglesia

Kamangha-manghang matunghayan mo ang mga ganitong obra sa mga katulad ng simbahan na pook at balon ng pang-araw araw na pamumuhay ng mga ninuno natin noong panahong kolonyal. Sa pagkakamalas ng mga ganitong obra maestra, ipinapanganak tuloy nito ang pangangailan ng iba’t ibang pag-uusisa sa mga makabuluhang aspeto ng ating identidad tulad ng kasaysayang panglalawigan o pambayanan halimbawa ng Paete noong ika-18 at ika-19 siglo. Malaking tulong ito upang unti-unti, makabuo tayo ng pambansang ulat sa ating panlipunang karanasan. Mabusisi ang kalagayan ng sining at pagpinta na magbibigay linaw sa pag-unlad ng ating kalinangan. Matunghayan ang malusog na pagsasanib ng katutubong tradisyon at makabagong kaisipan mula sa Europa. 

Pagbalik sa bahay tapos ng bisita-iglesia, naintriga ako sa mga nakitang obras ni Jose Luciano Dans. Nang nagsaliksik sa Internet tungkol sa buhay at kapalaran niya, medyo salat ito sa impormasyon. Siguro may pag-aaral nang nagawa tungkol sa kasaysayan ng pagpinta sa Pilipinas at malamang may ilang pahina, kundi isang kabanata, tungkol sa kanya. May paghahalungkat marahil kung paano nagsimula ang Kanluraning disiplinang ito sa ating baybayin, sinu-sino ang mga pangunahing tauhan sa pagkakabuo ng tradisyon ng pagpinta. Malamang may pag-ukilkil nang nahalukay sa relasyon o sa paggamit bilang kasangkapan ng sining ng pagpinta sa naratibo at agenda ng kolonyalistang Espanyol.  Pero di pa gaanong kalat ang impormasyon ito kung mayroon man. At kung wala, siguro kailangang bigyang pansin na ang pag-aaral nito nang sa gayon makatulong ito sa ikakayaman ng kaalaman ng ating nakalipas. Noong 2012, may pagtatangkang maglikom ng sapat na pondo para isagawa ang pagligtas ng mga napabayaan na obra ng Paete Church. Kaya may galawan tayo upang mapag-ingatan ang ating pambansang kayamanan sa sining. 

Marami tayong mga simbahan na naghihintay sa ating pagdalaw. Sana, marami ang magkahilig magbisita-iglesia. Sa mga simbahang ito, maaaring maririnig natin ang mga nakatago o tinagong kuwento na lalong magpapalalim ng pag-unawa natin sa kamalayan ng mga ninuno sa bawat kabanata ng ating kasaysayan. Bubuhayin ng mga ito muli ang mga nakaligtaan o kinalimutang gunita ng mga naganap na pangyayari at mga matinding katibayan ng ating madugong pag-angkop sa kolonyal na mundo ng ating kasaysayan. Tara na!        

Si Ogot Sumulong ay isang retiradong ipinanganak sa Pilipinas ngunit tumira na dito sa Chicago mula pa noong ang alkalde ng siyudad ni Carl Sandburg a tang yumaong Jane Byrne. Interesado siyang magbasa-basa tungkol sa kalinangan at kasaysayan ng Pilipinas.


Comments

One response to “Mga Obra Maestra sa Simbahan ng Paete”

  1. Connie Cagahastian Triggiano Avatar
    Connie Cagahastian Triggiano

    Hello Kasamang Ogot. Maraming salamat sa isinalaysay mong mga natatanging mural sa simbahang Katoliko (Romano) sa bayan ng Paete. Tunay nga na makabuluhan ang mga naturang likhain ng ipinagkakapuring artists ng Paete. Ipinanganak ako at lumaki sa Paete hanggang 5 taon ako, at nakagawian na naming mga bata noong nag-aaral kami ng katekismo pagkatapos ng misa tuwing Linggo ang masdan ang mga murals na iyan, maski pa nga hindi namin naiintindihan ang mensahe ng naglalakihang mga kuwadro na nakadikit sa malamig at malawak na dingding na bato ng simbahan. Maayos namang ipinaliliwanag ng mga katekista sa amin kung ano ang nakaguhit sa murals. Basta ang natatandaan ko ay malaking takot ang mensahe ng mga murals. Ngayon ay magkatabi ang 2 paintings ng San Cristobal sa bandang kaliwang dingding ng simbahan. Maiikumpara ang nga detalya ng 2 lawarang ito, pati na kung kailan naipinta ang bawat isa. Maraming salamat sa iyong historical account tungkol sa cultural and religious treasures of my town.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.