ni Ogot Sumulong
Isang nakagawian kong gawin tuwing bumibiyahe sa Pilipinas ay ang pagbisita sa ilang bookstores sa Quezon City. Hindi naman ako napagkakaitan ng galak nang huling nag-usyoso sa Filipiniana section nila kamakailan. Tatlong aklat ang inampon ko paglabas ng tindahan. May kanya-kanya silang paksain subali’t may isang sinulid na tumuhog sa kanila na nakakawing sa wikang Filipino. Ang una’y isang nobela sa wikang English na sinalin sa wikang Filipino. Ang ikalawa ay isang kalipunan ng mga tulang sinulat sa wikang Kinaray-a (isang wikang Bisaya) na may kawangis o “bersyon” sa wikang Filipino. At ang ikatlo ay isang kalipunan ng mga sanaysay tungkol sa mga pagkaing Kabitenyo na unang naisulat sa Filipino at isinalin sa wikang English.
Tatlong aklat, tatlong bintana
Ang unang aklat ay ang nobelang may pamagat na “Bamboo Stalk”. Ang sabi sa back cover ng akda, ang panguhaning tauhan, si Jose Mendoza, ay “may mukha ng Pilipino, pasaporte ng Kuwaiti, apelyido ng Arabo, at isang pangalang Kristiyano… Isang nakabibighaning kuwento na matapang na tinatalakay ang paksa ng pagkakakilanlan, lahi, at relihiyon”. Ito’y isang kuwento ng anak ng isang OFW at isang Arabo na lumaki sa hirap sa Pilipinas at kung paano siya hinubog ng nag-uumpugang puwersa ng kulturang Kuwaiti at Filipino. Naapuhap ng tagasalin na si Jen Renato-Dano ang mga kataga, pangungusap at idioma na nagsadula ng mapait na karanasan ni Jose Mendoza. Isang karanasan ng displacement sa global Filipino diaspora sa Middle East.

Ayon sa back cover ng ikalawang aklat, “Bilang koleksyon ng mga binabaybay (tula sa Kinaray-a), kinatha ang “Kembang Kertas” sa paglalakbay ni John Iremil Teodoro sa Mindanao at ilang bahagi ng Timog-Silanganng Asya. Kalakip ang mga sariling saling-Filipino, pinagbubuklod ng mga tula sa koleksyong ito ang mga wika at danas na Filipino, bago tuluyang iniugnay sa mayamang sining at kulturang may pinagsasaluhan ng mga bansang Aseano. Hakbang ang aklat na ito tungo sa mas bukas at masaklaw na wikang pambansa.” Dito naipakita ng makata ang kawil sa karanasan, wika at diwang natanto niyang may pagkakahalintulad sa ilang karatig bansa sa Timog Silangang Asya, gaya ng Indonesia.
Naipahiwatig niya na may matagal at malalim na ugnayan sa kultura, wika at pananaw sa kalikasan ang mga ito bago pa man dumating ang mga Espanyol sa ating pampang. Nagagap niya na sa pagtatangkang isalin ang mga tula mula Kinaray-a sa wikang Filipino, na may mga puwang at siwang na nalilikha sa pagsalin. Pero kung ano pa man ang mga katagang di pumukaw ng mga pahaging at higing ng orihinal na tula, matagumpay namang sinikap ng makata na hanapin ang mga katagang malapit sa katumbas ng kahulugan sa orihinal na wika. Ang bunga ng pagsasalin ay isang panibagong tula na hango sa orihinal na diwa ng pinagmulang wika.

Bilang unang aklat ng seryeng Lasa ng Republika , ang “Dila at Bandila” ni Ige Ramos ay unang naisulat sa Filipino at tinalakay niya, sa katipunan ng mga sanaysay, ang pagkaing Kabitenyo, ang kasaysayan at kultura ng mga ulam nito na ang karamiha’y kinalakhang natin bilang hapunan. Naibahagi rin niya ang kaugnayan ng panlasa ng Cavite sa panlasa ng iba’t ibang probinsya na naging patunay sa kanya na ang mga ito ay lahok na bumubuo ng pambansang panlasa.
Pero inamin ng tagasaling si Romulo P. BaquiranJr. na may mga balakid sa pagsasalin. Pansin niya na ang “Filipino language, or how Ramos uses it (his ideolect or personal style) has a way of stacking phrase that are interlocked and tricky to decipher. It can be vexing for the translator as they sound good in Filipino but become a mishmash the moment an interpretation is attempted in English. Tulad ng iba’t ibang wika at kawikaan ng ibang kultura, may natatanging kakayahan siyang makapagpahayag ng mga kumplikadong dalumat ang wikang Filipino

Ang salamin ng pagsalin
Sa tutoo lang, di bago ang pagsalin lalo na ng mga akda sa wikang Filipino. Tingnan ang Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo. Sinulat ni Gat Jose Rizal sa Kastila (wikang pinagbatayan ng wikang Espanyol) at sinalin sa English at Filipino (wikang batay sa Tagalog) upang ilarawan sa taumbayan ang sosyo-political na kalagayan noong panahon ng kolonyalismo.
Ang bibliya ay isinalin ni Rev. Msgr. Jose C. Abriol sa Tagalog mula sa orihinal na Hebrew at Greek upang itaguyod ang relihiyong Katoliko sa bansa. Noong dekada sitenta, maraming dula at opera na tinaguriang klasikong kulturang Kanluran gaya ng mga akda ni Sophocles, Shakespeare, Chekov, Beckett, Puccini at Verdi ang sinalin sa Tagalog ni Rolando Tinio upang isulong ang ating wika.
Sa isang banda, ang pagsalin ay isang maselang gawain. Ang tagasalin ay laging nasa bingit ng alanganin at pamimili. Banggit ng isang kaibigang taga-Baguio, may kilalang kasabihang naging tanyag tungkol sa pagsalin. Noong panahon ng Renaissabce, may ginawang Pranses na salin ang “Divine Comedy” ni Dante Alighieri. Nagreklamo ang nga Italyano na di raw napukaw ng salin nito mula sa orihinal na teksto ang “lexical and phonological beauty” ng orihinal na akda. Doon yata nabansag ang salawikain “Traduttore, traditore”. Ang ibig sabihin niyo’y “ang tagasalin ay isang traydor”. Pagtataksil nga ang palagay kadalasan sa pagsalin kasi hindi naman talagang naililipat ang eksaktong kahulugan ng akda sa pagitan ng orihinal na wika at ng isinasaling wika. Nguni’t sa kabilang banda, ang pagsalin ay isang daan tungo sa palitan ng impluwensiyang kultural, isang tulay para magkaunawaan ang mga tao.
Anu’t ano pa man, ang pagsalin ay isang matimbang na bahagi ng ating mga wika. Ito ay nakapagpapayaman ng ating kaisipan, nakapagpapalalim ng ating pag-unawa at nakapagpapalawak ng ating pananaw. Lalo na sa pagpukol ng masalimuot at kawing-kawing na pandama’t dalumat. Taglay ito ng ating mga wikang Filipino, maging ito’y pagsasalin ng kuwento o kaisipang dayuhan sa ating mga wika o sa kabila’y mga panimdim, adhikain at hinagap na katutubo sa dila at salamin ng banyagang pananaw.
Sa mga salin gaya ng napili sa sanaysay na ito, binuksan tayo sa iba’t ibang mga bintana ng buhay ng ating paligid at panahon. May salamin ng displacement ng isang Kuwaiti-Filipino, may pagkilala sa ilang pagkakahalintulad ng kultura sa rehiyong Timog Silangang Asya, at may pagninilay-nilay sa kaugalian ng probinsiya sa lente ng natatanging lutuing Kabitenyo. Sila’y mga kuwento na nailalahad sa mga wikang may kaugnayan sa ating buhay. Tangkilikin natin ang mga ganitong akda. Nang sa gayon, lalo pa nating maitaguyod ang masiglang paggamit ng ating mga wika.

Si Ogot Sumulong ay Retirado. Interesado sa nagbabagong anyo at kasalukuyang paggamit ng ating wika at panitikan. Nahihilig din sa mga paksain hinggil sa sinaunang kasaysayan ng bayang tinubuan.
Leave a Reply