Paggunita ng Filipino American History sa Taong 2024

”Bagong Anyo”, analog collage, Chicago, Sep 2024. Likha ni Ogot Sumulong

ni Ogot Sumulong

Ang Oktubre ay buwan ng Filipino American History. Ayon sa balita, ang kauna-unahang pagdiriwang nito ng Filipino American National Historical Society ay naganap noong buwan ng Oktubre 1992. Oktubre ang pinili dahil ito ang buwan noong 1587 na napadpad nakarating sa Amerika ang ilang na tinawag na “Indios Luzones”. Panandang bato ng Filipino American history itong dokumentadong pagkakadaong sa Morro Bay, California ng barkong Nuestra Senora de Buena Esperanza.

Isang yugto sa Filipino American history ay naganap noong kasagsagan ng Manila galleon trade. May mga ilang Filipino ang tumalon ng barko at nanirahan sa Saint Melo, New Orleans (sakop ito ng Espanya sa ilalim ng pamamahala ng Mexico noon). May mga sabi-sabi na may bayan ng mga Filipino ang nabuo maski noong mga bandang 1763 ayon kay Lafcadio Hearn ng Harper’s Weekly noon 1883. Nabanggit din na ang mga Filipino ay pumanig sa mga Amerikano Laban sa England sa Battle of New Orleans ng 1815.

Ang mahalagang kabanata ng Filipino American history ay nagsimula noong 1899 nang tinalo ng America ang Espanya. Sa Treaty of Paris noong Disyembre 1898, bukod sa pagkamkam ng Guam at Puerto Rico, sinama pa ang Filipinas nang sumuko ang Espanya sa Amerika kapalit ng halagang $20 milyon. Hindi pabor ang mga Katipunero sa nangyari kaya’t kinalaban ang Amerika mula 1899 hanggang 1902. Natalo sila at doon sinimulan ang kampanya upang bihagin ang utak at puso ng taumbayang Filipino.

Nagpagawa ng mga tulay at kalsada, nagtayo ng mga straktura ng edukasyon, kalakalan, administrasyon, hustisya at batasan. Namulaklak ang peryodismo at panitikan na umaayon sa pamantayang Amerikano. Nasulat nga ni Zoilo Galang noong 1921 ang kauna-unahang nobela sa English na pinamagatang “A Child of Sorrow”.

Naging mabigatin naman sa mga kapihan at toreng garing sa New York si Jose Garcia Villa bilang batikang makata sa English. Kapalit naman nitong tinawag ni Renato Constantino na “misedukasyon ng mga Filipino” ay ang walang patumanggang pagmimina ng ating likas na kayamanan tulad ng pilak, ginto, copper, iron at iba pang metals at minerals. Inilaan pa ang mga lupain para sa mga kalakal gaya ng asukal at kopra para sa Amerika. Libreng renta pa ng lupain bilang military bases nila  noon.

Mga unang migrant workers

Ni-recruit pa ng Amerika ang ating kabataan para maging migrant workers sa Hawaii, California, Washington at Alaska.  Ang miserableng kondisyon ng manong generation natin ang siyang naging paksain ng mga akda ni Carlos Bulosan. At ipinagpatuloy ng mga union organizers tulad nina Larry Itliong at Phillip Vera ang paglaban sa kapakanan ng mga migrant farm workers at di lang para sa Filipino kundi ibang grupo gaya ng mga Mehikano. Sa huli’y naitaguyod nila, kasama si Cesar Chavez, ang United Farm Workers noong 1965.  Malaking ambag ito sa kilusang manggagawa sa kasaysayan ng America.

Patuloy ang pag-angkat ng lakas-panggawa ng Amerika dahil sa kakulangan nito ng mga skilled workers maski hanggang sa kasalukuyan. Mga inhinyero, manggamot, nurses, scientists at  guro. Isa itong balon ng utak at lakas na pinagkukuhanan ni Uncle Sam. Isang banga rin ng Amerika ay ang kabataan natin para sa US Navy hanggang nahinto ito noong 1992.  Nga lang, naging naval stewards sila doon: tagaluto, tagasilbi ng pagkain, tagalinis ng quarters ng mga officers.  Kasi noong mga dekada sisenta, ang mga African Americans ay aktibo sa civil rights. Kaya ang mga Filipino American ang ipinalit sa nila.

Rescission Act ng 1946- Pagtataksil sa Pangako

Ngayon, patuloy pa rin ang paglista ng mga kabataang Fil-Am sa USA armed forces. Pero nang natapos ang WWII, halos may 250,000 beterano ang pinangakuan ni Uncle Sam ng citizenship at veteran benefits. Pero binawi ito ng Rescission Act ng 1946. May mga pampalubag-loob na hakbang sina Pangulong George Bush noong 1990 at Pangulong Barack Obama noong 2009. Noong 2017, binigyan ng Kongreso ang mga beterano ng Congressional Gold Medal. Pero hindi ang mga veteran benefits na ipinangako sa kanila. Di inalintana ang ambag ng ating kabataan sa giyera.

Noong 1965, lumuwag ang immigration policies ni Uncle Sam. Dumayo ang mga nurses natin sa Amerika.  Ngunit dumanas sila ng samu’t saring problema. Karamihan sa kanila ay naging biktima ng mga deceptive recruiting bago nakarating dito, ng wage discrimination, trabaho ng mahahabang oras at sa mga peligro kondisyon gaya noong panahon ng COVID-19 pandemic, ng racism, racial discrimination, at mental health issues (dahil sa 16-your work, stress, pangungulila, anxiety at depression). Taga-alaga ng may sakit at matanda pero wala silang karapat-dapat na pagkilala sa kanilang gawa. 

Invisible minority

Kamalig ng lakas, talino, husay at gawa ang mga Filipino at Filipino Americans. Pero walang pagkilala sa nagawa natin.  Itinago sa mga aklat at kasaysayan ang mga pangyayari at kinalimutan na parang walang nangyari ang hinatnan ng mga ito. Sa mga ganitong tingin, madalas ang taguri sa atin ay “invisible minority”. Pero kung tutuusin, maraming kaaya-ayang balita tungkol sa nagawa ng ilang kababayan natin (mga Filipinong ipinanganak sa Pilipinas na na-naturalized o mga anak nila na dito na ipinanganak o mga Filipinong bi-racial na naninirahan dito sa Amerika). Halimbawa sa siyensiya, tingnan natin si Josephine Santiago-Bond na creator ng  NASA new space shuttle technologies at kasama sa mga nagmamapa ng langscape ng buwan. Sa larangan ng football, nariyan si Doug Baldwin ng Seattle Seahawks na kasama sa 2014 at 2015 Superbowl.  Sa gobyerno, Si Benjamin Cayetano naman ang kauna-unahang Filipino American na naging gobernador ng Hawaii mula 1994 hanggang 2002. Sa larangan ng sining, mayroon tayong Pacita Abad at David Medalla. Sa dance, nariyan ang soloist na si Georgina Pascoguin ng NYC Ballet. Si Maria Ressa ng Rappler ay nagkamit ng Nobel Peace Prize noong 2021. Sa social media platform naman, si Catherine Fake naman ang utak sa likod ng photo-sharing site na Flickr. 

Ano Potensyal na pampulitikang lakas ng mga FilAM?

Maraming ambag ang mga Filipino Americans sa pagiging global power ni Uncle Sam. At kung bilang at bilang rin naman, mahigit na 4.1 milyon ang natalang mga Filipino Americans dito noong 2022. Halos isang porsyento ng populasyon ng Amerika. At tayo ang ika-apat na pinakamalaking Asian American GROUP dito (sa likod ng Chinese at Asian Indians). Malaking puwersang pulitikal tayo sa eleksyon.  Pero papaano natin maipapakita ang ating presensiya sa lipunan dito sa Amerika?

Marahil, magsimula tayo sa ating komunidad. Itaguyod, subaybayan, makibahagi at suportahan ang mga advocacies ng mga organisasyon tulad ng mga online newsletters gaya ng Asian American Writers’ Workshop at Positively Filipino. O ang FilVetREP na kumikilos upang magkaroon ng pambansang pagkilala ng Amerika sa ating mga WWII veterans na lumaban sa panig ng Amerika. O ang Philippine Nurses Association  of America na nasa pulso ng mga kalagayan ng mga narses laban sa di-pantay na sahod, mental health issues, discrimination, tambakan ng mga mahihirap na trabaho. O ang  ating Alliance of Filipinos for Immigrant Rights and Empowerment at Rizal Center na hinaharap ang immigration, English as a second language, health and housing issues ng mga seniors dito sa Chicago.

Tayo na ang magsimulang kumilos at isulat ang makasaysayan kabanata ng Filipino American history dito at ngayon.  Lumikha tayo ng mga bagong paraan upang makita ang ating karanasan at kakayahan sa makahulugang lente. At laging tandaan na ang mulat na bayan sa kanyang nakalipas ay na isang bayang may malalim na pang-unawa sa kanyang kasaysayan. Nang sa gayon, pagtingin nating, ang  pambayang gunita ng ating pinanggalingan ang ating gabay sa landas ng ating mabuhay na kinabukasan.

Si Ogot Sumulong ay Retirado. Interesado sa nagbabagong anyo at kasalukuyang paggamit ng ating wika at panitikan. Nahihilig din sa mga paksain hinggil sa sinaunang kasaysayan ng bayang tinubuan.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.