Ogot Sumulong
Sa karamihan, ibinaba ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos (“FM”) ang batas militar noong ika-21 ng Setyembre, 1972 nang nilagdaan niya ang Proclamation 1081. Ang araw na iyon, Huwebes, ang simula ng halos labing apat na taong one-man rule (sa iba, diktadurya ito) ni FM hanggang sa napatalsik siya sa Malacanang Palace noong ika-26 ng Pebrero, 1996.
Limangpu’t dalawang taon na ang nakalilipas. Halos dalawang henerasyon na ang pagitan sa kasalukuyan. Habang tumatagal ang panahon, lumalayo na ang gunita ng mga saksi noon sa nangyari. Subali’t may mga pagtatangkang likumin ang mga material cultural artifacts ng pangyayari ito. Binubuo pa hanggang ngayon ang naratibo ng karanasan, pakiramdam at alaala ng mga saksi noon. Ang dami kasing mga palagay at pagkilatis sa halaga, bigat ang kahulugan ng panahon ng batas militar. Paano ba nating babalikan-tanaw ang kaganapang ito ngayon? Nakaraan na iyon. Naka-move on na tayo. At binoto pa natin ang anak ni FM. Nasa kasaysayan na ito. Para que pa?
Batas Militar in Acrylic on 2 X 4 feet canvas, boyDominguez 1991
Siguro alamin muna natin kung ano talaga ang kaganapang ito. Ano ba ang nangyari noon? Ano ang nangyari pagkatapos? Ano ang mga epekto at ang mga namana natin sa kaganapang iyon? Mabuti ba ang mga iyon? Nakatulong ba sa bayan? Pero kuwidaw, hindi kasali dito ang kontrobersiyal na human rights record ng administrasyon ni FM. Ibang lente iyon kung tatalakayin ang mga EJK, na-torture, nakulong at naging biktima ng biglang-laho ng ilang mamamayan na naganap noon.
Noong ibinaba ni FM ang batas militar sa bayan, trending na sa Timog Silangan ang masigla at mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ng mga karatig-bansa gaya ng Singapore at Thailand. Marahil, inakala ni FM na puwedeng mangyari iyon sa bayan at sumakay siya sa bandwagon. Bago nito, okay naman ang ekonomiya ng bayan noon (#7 yata noon sa rehiyon); mabagal nga lang at me pagka-protectionist kasi subsidized ang ilang insdustries gaya ng transportation para makatulong sa pag-unlad ng ibang industriya tulad ng manufacturing). Pero me misyon si FM na i-jump start ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng pag-utang kasi wala siyang mahuhugot sa kaban ng bayan. Kaya ayun, umutang siya ng umutang para pondohan ang mga proyekto niya. Mura ang petrodollars kasi noon kaya di siya nahirapang makakuha ng sandakmang utang.
Sa simula, masigla ang ekonomiya dahil nga sa high demand ng agricultural at manufactured goods for exports ng bayan. Binigyan ni FM ang ilang kakilala ng monopoly di lang sa mga export commodities kundi sa ibang industriya gaya ng electricity, airline, banking, shipping, real estate, insurance at mass media. Pero di maayos ang mga pamamalakad ng mga ito na naging dahilan para gamitin ang kaban ng bayan para maibalik sa wasto o mapatakbo muli ang mga ito. Crony capitalisn ang taguri dito noon.
Para nga ma-boost ang economic development, kabila-kabila ang mga construction projects na inumpisahan niya, pati na rin ang asawa niya, gaya ng mga highway at tulay. Inutang nga lang ang pagpopondo ng mga ito. Me mga natapos naman gaya ng San Juanico Bridge, Marcos Highway, Heart Center at Cultural Center. Pero karamihan ng mga proyektong ito ay naglaho ng parang bula dahil sa talamak na korupsyon ng mga tao sa likod nito. Isa nga raw itong dahilan kung bakit lumala ang ekonomiya ng bayan at naging bigo ang misyon ni FM.
Nabaon sa utang ang bayan. Dahil ang ekonomiya natin ay nakatali na sa USA, nang nagkaroon ng recession sa USA noong mga 1980’s, dumapa talaga ang ekonomiya ng bayan. Di na in demand ang agricultural exports ng bayan kaya matumal ang pambansang kita. Di pa nga ito nakakabangon sa oil crisis ng 1979, tapos ito pa ang isang malaking dagok. Ang pagtaas ng interest rate sa USA ay nagpapahina ng dolyar sa labas na lalo namang nagpababa ng halaga ng piso. Ang naging resulta nito ay ang pagtaas pa lalo ng bilihin pero hindi ang sahod ng mga manggagawa at magsasaka. Tumindi ang political at economic unrest ng mga sumunod na mga taon. At di nagtagal, nagmartsa ang ang mga madre at mga nanay sa People’s Power noong Pebrero, 1986.
Sa pagbalik-tanaw sa naging kapalaran ng administrasyon ni FM sa ilalim ng batas militar, marami siyang pamanang iniwan sa bayan. Mga pamanang lalong nagpabigat sa pagsisikap ng bayan na makaahon sa hirap at dusa. Ano ba ang mga ito?
Isang pangako ni FM ay ang pagbuwag sa hawak ng traditionsyunal na naghaharing uri sa puwesto ng kapangyarihan sa pulitika at ekonomiya ng bayan. Binuwag nga ni FM ito pero ipinalit naman niya ang sarili at ang mga alipores niya. Pero nang natanggal naman siya sa puwesto, binalik ni Cory Aquino ang mga tradisyunal na oligarchs gaya ni Lopez at mga Cojuangcos sa puwesto. Nadagdagan pa nga sila ng mga bagong kasapi gaya ng mga Villar, Macapagal, Duterte, Revilla, Ejercito, Lucio Tan at Henry Sy. Iyon pa nga. Kung paglalaruan natin ang terminolohiya ni Benedict Anderson, mas naging demokratiko ang cacique ng bayan sa pagkakasali ng mga bagong yaman, celebrities at Chinese Filipino sa ruling elite ng bayan. Dumami ang mga oligarchs. Lalo silang yumaman dahil lalo nilang namonopolisado ang kalakalang kaakbit ng mga lupain, negosyo at trabaho.
Dahil nabanggit rin lang naman, ang Chinese Filipino bilang isang bagong puwersa sa pambansang tanghalan ay isang kamanghang-manghang pamana ng batas militar. Bago kasi noong 1975, ang mga ito na galing sa Tsina ay hirap na hirap makakuha ng Filipino citizenship. Binago ni FM naturalization policy noong mga panahon iyon. Libo-libong Tsino ang nabigyan ng citizenship at buong layang maging big actors di katagalan sa banking, manugacturing, shipping, real estate industries. At tumiba raw si FM dito. Dahil sa kani-kaniyang bangayan sa isa’t isa ng mga Filipino oligarchs, tahimik namang naging matagumpay ang mga Chinese Filipino sa mga negosyo kaya nga sa dulo ng rehimen ni FM noong 1986, 45% ng top 120 manugacturing forms ay pag-aari ng Chinese Filipino. Sa ngayon, pamilyar ang mga pangalang Henry Sy ng Megaworld, BDO at SM Malls at Lucio Tan ng University of the East, Philippine Airlines, Philippine National Bank, Fortune Tobaco at Tanduay Distillers. Marami pang ibang Chinese Filipino ang may pag-aari ng iba pang kalakalan gaya ng ilang pribadong paaralan.
Isang pasaway na pamana ni FM ang pamamayagpag ng krimeng sindikato dahil sa gulong sumunod. Noong panahon ng administrasyon ni Cory Aquino, nagkaroon ng unawaan ang ilang politiko at militar na nangangailangan ng pondo at ang mga huweteng bosses na gusto ang proteksyon kapalit ng kickbacks mula sa gana ng sugalan. Panahon iyon ng mga coups at ang ilegal na gaming revenue ang naging pondohan sa pagbuo ng mga pribadong proteksyon ng mga ilang politiko sa administrasyong ni Cory. Naging palasak ang ganitong relasyon lalo na nang naging pangulo magkasunod sina Joseph Estrada at Gloria Arroyo Macapagal dahil sa kaban ng yaman ng huweteng. Nang naging pangulo naman si Rodriguez Roa Duterte, naidagdag pa ang madugong POGO ekonomiya. Ang droga ay naging talamak rin matapos ang panahon ni FM. Ang shabu ay isa sa mga malaking at tubong lugaw na ilegal revenue. Ang pinakahuling balita hinggil sa drogang ito na may halagang mahigit labing isang bilyong piso ay nakakawil sa mga Duterte. Ang kidnapping lalo na ng mga mayayamang Chinese Filipino ay naging laganap noong mga 1990’s; me balita na may mga pulis ang kasangkot sa mga ganito galawan. Lantaran na ang krimen dahil ang istrakturang nabuo ng mga sindikato noong pagbagsak ni FM ay lalong pinagtibay ng unawaan ng mga ilang politiko, militar at sindikato pagkatapos.
Isang malungkot na pamana rin ng batas-militar ni FM ay ang mahapding pagtapyas ng middle class ng bayan. Pinaghuhuhuli at pinatahimik ni FM ang mga manunulat, journalists, student activists, labor leaders, madre’t pare, political opponents niya. Lumiit ang middle class nang lumala pa ang pagitan ng mayaman at mahirap sa bayan dahil sa pagkabaon ng bayan sa utang sa mga dayuhan. Sanhi ng kakulangan ng oportunidad na makaahon sa hirap, naglipana sa ibang bang ang mga Kababayan; kung noon, sa Maynila nagpupunta ang mga taga-probinsiya paksa makipagsapalaran, ngayo’y sa labas na ng bansa. Pero di nagtagal, sanhi na rin ng pag-angkop sa pagbabago ng ekonomiya tulad ng OFW, diaspora, migration at teknolohiya, muling nakabangon ang panggitnang-uri ng bayan. Naging mga technocrats, dalubhasa sa kanluraning kaalaman, nakabuo ng mga panukala at kaisipang makabago at makabayan sa larangan ng kultura, panitikan, kalakalan, siyensiya, antropolohiya at iba pang sangay ng agham. Mulat sa mga pangyayari sa loob at labas ng bayan. May kamalayan sa mga galawan at kaganapan sa mundo tulad ng climate change, geopolitics, immigration, human rights at giyera ng economic systems. Dagdag rin dito ang mga Chinese Filipino na taglay ang matinding economic influence ng kanilang mga negosyo sa panggitnang-uri ng bayan. Malay natin na mula sa kanilang hanay, mabuhay muli ang pagtatangkang bigyang lunas ang mga sakit at balakid sa ikaaahon ng taumbayang mula sa hirap at kakulangan ng pag-asa. Tulad ng nangyari noong panahon na sinimulan ng mga ilustrado, mula sa nabubuong panggitnang-uri noon, ang kilusan ng nasyonalismo noong huling bahagi ng ika-19 dantaon. (Ang panggitnang-uri noong ay binuo ng mga may-kaya’t nakapag-aral na Spanish Filipino, Chinese Filipino, indio at mestiso).
Marami pang mga ibang pamana si FM sa bayang Filipino. Isa pa rito ang pag-usbong ng celebrity politicians mula sa hanay ng failed coup plotters, telebisyon, pelikula, basketball at boxing. Naging popularity contest ang ating mga halalan dahil sa pagpasok ng social media. Isa pa ang pagsulat ng bagong tadhana ng bayan ayon sa gusto ng mga nasa kapangyarihan. Tsismis ang kasaysayan na nababago ang tudla at takbo ng mga pangyayari.
Pero sa gitna ng mga pamanang ito ni FM, wala pa ring lang reform, lalong humirap pa rin ang karamihan ng taumbayang kahit magkalasog-lasog na ang butong katawan nito, pataas pa rin ng pataas ang bilihin, pababa naman ng pababa ang halaga ng sahod ng mga magsasaka at manggagagawa at guro at drivers, mga waiters at sales clerks, mga tindero sa talipapa at marami pang ibang kumakayod hanggang magkatalu-taluntod ang mga tuhod nito. Lalong lumawak ang pagitan ng may kaya sa isang-kahig-isang tuka. Sa ngayon, naging teleserye ang mga kaganapan sa mataas at mababang kapulungan. Tapos, nahihila pa ang bayan sa pandaigdigang kalagayan tulad ng digmaan sa Middle East na may mga kababayan na naiipit doon, sa gulo sa West Philippine Sea kung saan hinahamon ng higanteng Tsina ang bayan natin kung sino ang may karapatang pambansa sa lugar na iyon at nalalagay ang bayan sa umpukan ng dalawang magkatunggaling bansa. Patuloy pa rin ang daloy ng pamumuhay at kasaysayan sa kasalukuyan. Damang-dama pa rin ang epekto ng batas militar ni FM hanggang ngayon, lalo na sa ika-52 taong anibersaryong darating. Sa mga pinakbet na pinagdaanan ng bayan, naging ganito tayo ngayon. Pero kung maalaala ang titulo ng isang klasikong pelikula at kalikutin ang tanong, paano kaya tayo bukas?
1. “Economic History of the Philippines (1965-1986)”, Wikipedia.org, last edited 24/04/2024, https://m.wikipedia.org/wiki/Economic_history_of_the_Philippines_(1965-1986), retrieval dated 26/08/2024;
2. Alfred W. M Coy, editor, An Anarchy of Families, State and Family in the Philippines (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994); and
3. Martin F. Manalansan IV at Augusto F. Espiritu, editors, Filipino Studies, Palimpsests of Nation and Diaspora (New York: New York University Press, 2016).
Ogot Sumulong ay Retirado. Interesado sa nagbabagong anyo at kasalukuyang paggamit ng ating wika at panitikan. Nahihilig din sa mga paksain hinggil sa sinaunang kasaysayan ng bayang tinubuan.
Leave a Reply